JERRY OLEA: Just in time for Halloween ang pag-release ng Netflix ng makabagong series na Chilling Adventures of Sabrina.

Noong Oktubre 26, Biyernes, ipinalabas ng Netflix ang first season o 10 episodes ng supernatural horror TV series.
R-16 ang target audience nito.
Bagama’t walang frontal nudity, e, may eksena ng orgy at lampungang lalaki-sa-lalaki.
Mahusay ang pagganap ni Kiernan Shipka bilang Sabrina, half-witch at half-mortal na teenager.
Bewitching!
OK rin ang akting ng co-stars niya na kinabibilangan nina Ross Lynch bilang Harvey Kinkle (BF ni Sabrina, na may dugong-witch hunter), Lucy Davis and Miranda Otto bilang Hilda and Zelda Spellman (mga tiyahin ni Sabrina na nagpalaki sa kanya), at Chance Perdomo bilang Ambrose Spellman (pansexual cousin ni Sabrina).
Kabilang din sa cast si Michelle Gomez bilang Miss Wardwell (guro ni Sabrina sa Baxter High), Jaz Sinclair and Lachlan Watson bilang Roz and Susie (mortal friends ni Sabrina), Richard Coyle bilang Fr. Faustus Blackwood (high priest ng Church of the Night), at Tati Gabrielle bilang Prudence Night (lider ng Weird Sisters).
Greendale ang setting ng Chilling Adventures of Sabrina, at ilang beses nabanggit dito ang Riverdale.
Kaya posibleng mag-cross over ang ilang characters ng Chilling Adventures of Sabrina sa Riverdale series.
Chill-chill lang ang pace ng Sabrina series.
Ika nga ay “slow-burn horror” gaya ng classic films na The Exorcist (1973), Rosemary’s Baby (1968), The Omen (1976), at Suspiria (1977), pero hindi nakakainip.
Maayos ang pagkatimpla rito ng millennial angst at tongue-in-cheek humor sa iba’t ibang modernong isyu gaya ng bullying.
GORGY RULA: Super promote nga ang Netflix sa Sabrina.
Sa mga wala pang Netflix, puwede pang humabol ngayong araw, October 30, sa huling araw ng QCinema Film Festival.
Maganda ring pang-Halloween ang Hintayan ng Langit, pero hindi ito horror.
Maganda rin ang Oda Sa Wala ni Marietta Subong o Pokwang, na nanalo ng Best Actress award para rito.
Magaling talaga dun si Pokwang. Puwede siyang makasungkit pa ng dagdag Best Actress trophy sa ibang award-giving bodies.
Samantala, sinilip pala ng ibang kaibigang reporters ang puntod ng Da King Fernando Poe Jr.
Maayos na maayos na raw ito at bukas pa lang daw ay maghihintay na ang ibang tao dun sa pagdalaw ng mag-inang Susan Roces at Senator Grace Poe.
NOEL FERRER: At isa pang alternative na pang Halloween date ay ang magbubukas na pelikula nina Zanjoe Marudo at Maja Salvador na To Love Some Buddy.
Ang latest na balita ay nabigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
Fiesta ngayon ang mga manonood ng pelikula. Parang buffet na may putahe sa bawat lasang hanap niyo.
Happy viewing!