JERRY OLEA: May musical tribute kay Rico J. Puno sa Nobyembre 7, Miyerkules, 6 P.M., sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati City.

Ang pagpupugay sa huling gabi ng lamay kay Macho Guapito ay pangungunahan ng kapwa OPM Hitmakers niyang sina Rey Valera, Hajji Alejandro, at Marco Sison.
“Nagkumpirma rin sina Renz Verano, Dulce, Tita Pilita [Corrales], si Imelda (Papin),” sabi ni Osang de Guzman, sekretarya ni Rico for 30 years, nang makausap namin sa burol nitong Nobyembre 1, Huwebes ng gabi.

Siyempre, kasama sa kakanta si Rita Daniela, anak ni Osang de Guzman na tinulungan ni Rico J.
Punong-abala sa musical tribute ang kapatid ni Rico na si Jun.
Sabi ng daughter ni Rico na si Tosca, “Si Papa kasi, gusto niya yung nagkakantahan. And I heard, mga friends talaga niya sa showbiz ang kakanta.”
Suggestion ni Tita Norma Japitana, manager ni Rico, ipaubaya kay Bibeth Orteza ang pagdidirek ng tribute.
Pakli ni Richard Merck, ang surviving OPM Hitmakers ang dapat halinhinang mag-host.
Pahayag ni Doris Tayag-Puno, asawa ni Rico, iyong mga kakanta ay huwag masyadong habaan ang eulogy dahil hanggang 12 midnight lang ang lamay.

Walang misa dahil Iglesia ni Cristo (INC) member si Rico.
Sa Nobyembre 8, Huwebes ng 10 A.M., ay idadaan ang remains ni Rico sa Makati City Hall—kung saan halos 12 years itong nagsilbi bilang konsehal—bago ihatid sa Heritage Park, Taguig City.
GORGY RULA: Sa pagpanaw ni Rico J, posibleng magsilbi itong pagbubukas ng promising singing career ng mga anak niya.

Ang isang anak niyang si Rox na ang makakasama nina Marissa Sanchez at Giselle Sanchez sa concert dapat nila ni Rico, Music & Laughter: Sana Tatlo ang Puso Ko, sa November 23.
Kilala na rin si Tosca sa inspirational songs. Pero baka balikan niya ang pulitika dahil puwede siyang mag-represent sa pagtakbo ng namayapang ama.
Pero hindi pa raw napag-uusapan ng pamilya. Wala pa raw sa isip ni Tosca.
NOEL FERRER: Halos isang linggo rin ang lamay.
Marami bang kamag-anak ang dapat hintayin o sadyang ganun dahil walang naglilibing kapag Undas?
Whatever the reason, at least naibibigay ngayon kay Rico J. Puno ang pagpapahalagang dini-deserve niya bilang icon ng OPM sa ating bansa.