JERRY OLEA: Sa Hong Kong ipinagdiwang ni Congresswoman Vilma Santos-Recto ang kanyang ika-65 kaarawan nitong Nobyembre 3, Sabado.
Bakas sa mukha ni Ate Vi ang kaligayahan sa litrato kung saan kasama niya ang asawang si Senador Ralph Recto at anak na si Ryan Christian Recto.

Ipinagdiriwang din ng Vilmanians ang ika-56 anibersaryo ni Vilma sa showbiz.
Panawagan ng Vilmanian for All Seasons na si Jojo Lim sa Global Vilmanians ng VSSI (Vilma Santos Solid International), panoorin ang panayam at birthday tribute kay Vilma sa The Bottomline with Boy Abunda ngayong Sabado ng 11:00 PM, pagkatapos ng Failon Ngayon sa ABS-CBN.

Magpupugay rin kay Vilma ang radio program na Level Up Showbiz Saturdate with Noel Ferrer and Co. ngayong Sabado ng 7:30-10:00 PM sa Radio Inquirer 990khz/Inquirer 990 TV.
NOEL FERRER: Personal kong ka-text si Ate Vi bago mag-Undas break.
Parang panata na ang pagtawag at pagpapahalaga ko sa kanya tuwing birthday niya.
Walang kaabug-abog na pumayag siya sa live phone patch natin sa kanya mamaya bago pa man iere ang The Bottomline with Boy Abunda interview niya.
I’m excited to know what her plans are—sa politika man, sa pelikula o sa personal na buhay.
Ano kaya ang napag-usapan nila ni Claudine Barretto nang dalawin siya nito kamakailan?
Magbabalik-pelikula na ba siya? Paano niya pinaghahandaan ang pagkakaroon ng manugang at apo kay Lucky?
Masaya mamaya ang panayam ng PEP Troika kay Ate Vi, live from Hong Kong!
GORGY RULA: Iyon talaga ang inaabangan ng karamihan, kung ano ang pelikulang gagawin ni Cong. Vi.
Ang dami na kasing naglabasang kuwento.
Ang sabi, may project na posibleng pagsasamahan nila ni Nora Aunor.
Meron ding project na si Alden Richards daw ang kasama.
Pero wala pa tayong naririnig mula sa Star for All Seasons.
Ang sabi lang niya noon, marami nang mga script na ipinadala sa kanya, pero wala pa yung kuwento na gustung-gusto niya.
Curious ako kung anong klaseng pelikula ang gusto niyang gawin.
Pero mukhang matatagalan pa rin dahil naka-focus muna siya ngayon sa pulitika.
Hindi siya puwedeng lumabas sa TV at pelikula during campaign period, kaya maisasantabi ang showbiz.
Pinaghahandaan na rin niya ang pangangampanya kahit wala siyang kalaban bilang representative ng 6th district ng Batangas.