JERRY OLEA: “Hanggang sa dulo, NashLene!”
Ilang ulit iyang isinigaw ng avid fans nina Nash Aguas at Sharlene San Pedro sa premiere night ng pelikula nilang Class of 2018 nitong Nobyembre 6, Martes, sa THX Cinema 7 ng Trinoma, Quezon City.

Kilig-kiligan ang fans sa naturang teen thriller na tila mixture ng Hollywood sci-fi action thriller na The Maze Runner (2014) at GMA teleseryeng The Cure (2018).
“I hope, pag napanood niyo ito, i-enjoy niyo lang yung ride. Para kayong nasa rollercoaster!” bulalas ni Sharlene.
Sabi naman ni Nash, “Legit na dugo at mga pasa ang natamo namin dito.
"Mga sapak din! Totoong sapak na ano... in short, ibinigay talaga namin ang best namin!”
Maliban sa NashLene fans ay matutuwa sa pelikula ang masusugid na tagasubaybay ng tambalan nina Kristel Fulgar at CJ Navato, pati na ang mga nakaka-appreciate sa estilo ng pagpapatawa ni Kiray Celis.
Ang pelikula ay idinirek ni Charliebebs Gohetia para sa T-Rex Entertainment film company.
Nasa cast din nito sina Yayo Aguila, Adrian Alandy, Alex Medina, Sherry Lara, Jomari Angeles, Ethan Salvador, Johnvic de Guzman, Lara Fortuna, at Aga Arceo.
Palabas na ang Class of 2018 ngayong Miyerkules, Nobyembre 7, sa mga sinehan sa buong kapuluan.
NOEL FERRER: Kasabay ng premiere kagabi ng Class Of 2018 ang premiere ng Kung Paano Siya Nawala nina JM de Guzman at Rhian Ramos.
Kasabay palang magbubukas ng Class Of 2018 ngayon ang foreign films na Overlord, Holmes and Watson, Beyond The Sun, at ang commercial release ng ML nina Eddie Garcia at Tony Labrusca.
Nakakatakot!!!

GORGY RULA: Masusubukan na kung kakagatin itong NashLene loveteam na parang wala namang chemistry.
Ang lakas kasi ng personality ni Sharlene, at agree ang ilang taga-ABS-CBN na nakatsikahan ko sa premiere ng pelikula kagabi.
Parang titibo-tibo kasi si Sharlene na kaya niyang talunin si Nash.
Aminado rin si Sharlene na may pagka-bully siya at hindi siya basta-basta kayang bolahin o sindakin ng kahit na sino.
Kaya bumagay sa kanya ang role niya bilang Ada sa pelikulang ito.
Suggestion lang kay Sharlene...
Sana kumuha siya ng maayos na stylist. Hindi ko type ang suot niya sa premiere night.
Medyo naasiwa akong tingnan siya habang rumarampa sa red carpet.
Para kasi siyang attendant sa ospital o sa spa sa suot niyang pink dress.
Pero sa totoo lang, sana maganda ang kalalabasan sa takilya nitong Class of 2018.
Nakakatuwa ang passion ng T-Rex Entertainment na gumawa ng marami pang pelikula kahit hindi pa kumikita nang malaki ang karamihang nagawa nila.
Marami silang na-produce na matitinong pelikula.
Sana, kahit paano, makabawi sila sa pelikulang ito.