JERRY OLEA: Mangiyak-ngiyak ako sa katatawa kina Hajji Alejandro, Rey Valera, Nonoy Zuñiga, at Marco Sison sa eulogy nila kay Rico J. Puno nitong Nobyembre 7, Miyerkules ng gabi, matapos ang misa sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati City.

Habang paakyat sila sa may altar, sinabihan ni Rey si Hajji, “Antayin natin si Nonoy... Ambilis-bilis mong maglakad! Nakakainis ka!”
Mabilis ang sagot ni Hajji, “Kapag inantay natin si Nonoy, mamaya pa tayo mag-uumpisa.”
Himutok ni Rey, “Ang hindi ko lang matanggap, kasi pag nagsu-show tayo, palagi niya akong sinasabihan, ‘Yung make-up mo, para kang natutulog lang.’
“Ngayon, eto siya, andito... parang natutulog lang!”
Nilinaw ni Marco na standard line ni Rico sa segment nito kapag nagkakagulo na at maraming kumukuha ng pictures, “Oh, ang laki ng boobs mo, ah?!”
Dagdag ni Marco, “Kahit hindi ho nakikita yun...”
Sambot ni Rey, “Kung maliit o malaki, standard line niya iyon... Kapag nagkakagulo naman ang fans sa kanya, bigla iyang sisigaw sa mic, ‘Wala bang bata-bata diyan?!’”
“Madalas din niyang biruin si Pareng Nonoy,” sundot ni Hajji.
“Ay! Lagi niya akong binibiro. Siya lang ata ang gumagaya sa akin sa paglakad ko, e,” kaswal na pagbubunyag ni Nonoy, na lumakad nang paika-ika.
“Sabi ko, ‘Sige, pare, gayahin mo lang ako nang gayahin! Matutuluyan ka rin!’”
Seryosong saad ni Hajji, “Tinatanong ko, 'Pareng Rico, anong masasabi mo, ang ganda ng boses ni Nonoy?'
"'Anong masasabi mo sa singing style ni Pareng Nonoy?’ Sabi niya, ‘Very sublime.’”
Bakit daw sublime?
“Sublime Paralytic.”

GORGY RULA: Iyon daw kasi ang gusto ni Rico J. Kahit maglaitan, basta masaya lang sa wake niya.
Kahit ang manager niyang si Norma Japitana, ibinuking na nakipagkita pa si Rico sa isang bold star sa bisperas ng kasal nila ni Doris Tayag.
Masaya sa last night ni Rico, pero nung kinanta ng Hitmakers ang "Kapalaran," merong naluha sa mga nandoon.
JERRY OLEA: Maraming jokes na ibinigay at ipinaubaya si Rico kina Rey, Hajji, Marco, at Nonoy.
Hinayaan niya ang mga itong gumawa ng political slogan niya sa pagtakbo bilang konsehal ng Makati City.
Contribution ni Marco ang slogan na, “Rico J. Puno... madaling lapitan, mahirap matagpuan.”
Wagi!
Sa second term, may malalaking tarpaulin. Sey ni Rey, “Reelect Konsehal Rico J. Puno! Kaibigan ng mahihirap... lalo na ng mayayaman!”
Wagi na naman!

Paggunita ni Rey, “Pero noong nag-vice mayor siya, natalo. Alam mo kung bakit? Kasi, naaalala ko, parang iniwan na tayo...
"Kasi, pagpasok mo sa upisina niya nun, may nakalagay na kamay na ganun, sa pinto,” pagmuwestra ni Rey ng mga palad niya na animo’y nanghihingi ng limos.
Continuation ni Rey, “Nakalagay, Tanggapan... Tanggapan ni Konsehal Rico J. Hindi nanghihingi pero hindi tumatanggi.”
Hirit ni Hajji, “Pagpasok ko ng pinto, may dalawang secretary na lumapit. Tig-isa sila ng desk, e.
“Nagduda na ako. Doon sa isang desk, nakalagay... Kalihim ni Konsehal Rico J... Secretary nga kasi. Doon sa kabilang mesa, nakalagay... Kasabwat.”
Iyong huling pagtakbo ni Rico, dahil may experience na siya, lamang na siya sa mga kalabang ginamit sa kanyang campaign slogan, “Reelect Councilor Rico J... May nagawa na, hahayaan ba nating gumawa pa uli?”
Wagi na naman.
Pakli ni Rey, “Kayo talagang mga taga-Makati, wala talaga kayong kadala-dala!”
Napabaling si Rey kay Nonoy kaya inusisa ito, “Ikaw ba’y tatakbo rin? Tatakbo ka ba?”
Malumanay na sagot ni Nonoy, “Hirap na nga akong maglakad. Patatakbuhin mo pa ako?”
NOEL FERRER: Kasama sina Ogie Alcasid at Martin Nievera na naaliw at sobra ang paggalang kina Rey, Marco, Nonoy, at Hajji na nagpugay sa Total Performer na si Rico J. Puno.
Napanood ko rin ang eulogy na Bibeth Orteza na nakakatawa, at ang kanta nina Tita Pilita Corrales at OPM Hitmen.
Tunay ngang well-loved si Rico J. Puno. Asahan ninyo na hindi pa matatapos ang tribute sa kanya ng entertainment industry.