JERRY OLEA: Hanggang sa necrological service kay Rico J. Puno noong Nobyembre 7, Miyerkules ng gabi, sa Santuario de San Antonio (Forbes Park, Makati City), hindi maatim ni Imelda Papin na kabilang siya sa "Formalin Beauties."
Tatlo sila nina Claire de la Fuente at Eva Eugenio—Jukebox Queens—na paulit-ulit na biniro ni Rico sa ganoong taguri.

“Noong nabubuhay pa po si Kuya Rico, walang ginawa iyan kundi tirahin kami,” pasakalye ni Claire.
“Ikaw lang!” pagkontra ni Eva, na hindi ko agad namukhaan.
Talak ni Claire kay Eva, “Ikaw ang number one sa Formalin issue niya!”
Pagprotesta ni Eva, “Uy, hindi, ahh?! Sabi niya... The Three Formalin Beauties!”
In denial si Imelda, “Hindi ako kasama diyan. Ako lang ang nirerespeto niya!”
Tila napaismid si Claire, “Akala mo lang ‘yan!”
NOEL FERRER: Sa tatlong jukebox divas, si Imelda ang conscious sa paghingi ng respeto at sa billing din.
In fairness, siya kasi ang tumawid-tawid para maging multimedia star noon.
Pero parang hindi na medyo nag-relax si Imelda sa stature niya. Kailangan, una siya parati sa billing.
Bagay na laging kinokontra at dyinu-joketime ni Eva.
Ang laging joke ng tatlo ay si Eva ang pinakanaghirap sa kanila—at kitang-kita raw ang ebidensiya.
Ang maganda lang ay hindi rin patatalo si Eva, kaya nakakaaliw ang sagutan nila.
At si Claire naman, parating sinasabing pinakamayaman sa tatlo dahil sa mga pag-aaring bus—na ewan ko kung nandiyan pa rin.
Naaaliw lang ako kapag nagkokontrahan at nagtatalo sila.
Kasi, anuman ang sabihin nila, sa pagkakasabi ng yumaong Rico J. Puno, talagang it’s a three-way tie sila bilang Formalin Beauties!

JERRY OLEA: Pagbabalik-tanaw ni Eva, “Ang vivid memory ko sa kanya, yung ako raw ang endorser ng... Eternal Gardens.
“Sabi ko, bakit Eternal Gardens? Kasi, yung babae doon, maganda! Di ba, nakaganun?” pag-pose pa ni Eva bago humirit, “E, si Claire, ano?!”
Mabilis na sagot ni Claire na tumuwad pang patagilid, “Jollibee! Dahil daw sa laki ng puwet ko!”
GORGY RULA: Marami nga raw hindi nakakilala kay Eva Eugenio sa wake. May bago na naman kayang nagawa?
Pero bakit ba hindi inimbita ang tatlong "Formalin Beauties" sa Music and Laughter concert (November 23 sa The Theatere at Solaire) na gagawin dapat ni Rico J?
Ang sabi kasi ni Marissa Sanchez, na bahagi sa show, so far, ang nag-confirm lang ay sina Matteo Guidicelli at Eric Nicolas.
Gagawin na itong tribute kay Rico, at kapalit nito ang mga anak na sina Tosca at Rox Puno.
Nagpasabi raw sina Martin Nievera at Zsa Zsa Padilla na baka dadaan sila.
Pati ang surviving OPM Hitmakers ay nagpasabi rin, pero wala pa raw nag-confirm sa kanila.
Ang wish na lang nila, sana kahit manood na lang si John Lloyd Cruz na malapit din sa namayapang singer.
Excited si Marissa nang naka-text namin dahil kasabay na rin yun ng celebration ng 25 years niya sa showbiz.
Pagkatapos nitong Music and Laughter (Sana Tatlo ang Puso Ko), meron siyang isa pang show na birthday concert na rin sa November 30, na gagawin sa Historia Boutique Bar and Restaurant.
Kung buhay si Rico J, tiyak na pagbibigyan siyang mag-guest dahil malaki ang parte ng namayapang singer sa kanyang singing career.
Ipinaglalaban siya noon ni Rico na isama sa shows nito.
Madalas ay kinukuha siyang front act, pero pinipilit ni Rico na isama siya sa main show.