GORGY RULA: Inanunsiyo ni Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla na sa December 7 nakatakdang ibaba ng Sandiganbayan ang hatol sa kasong plunder ni dating Senator Bong Revilla.

Base ito sa talumpati ni Mayor Lani sa flag-raising ceremony na ginanap sa Strike Gym ng Bacoor Government Center kaninang umaga, November 12.
Pahayag ni Mayor Lani, “Last week, nakatanggap po kami ng sulat mula po sa Sandiganbayan, at sa darating po na December 7, hahatulan na po ang kaso ni Senator Bong Revilla.
“Ako po ay umiikot sa lahat na lugar ng ating bansa, ini-inform po natin na sana po ay ipanalangin po natin ang araw na yun.
“Siguro po, in your own little way, sa inyong mga panalangin, in your own little time sa mga misang dinadaluhan ninyo, please pray for Senator Bong.
"Mas kailangan po natin ng ibayong lakas ngayon—mind, body, and spirit.”
Nakausap ng PEP Troika si Mayor Lani pagkatapos ng programa, at itinanong namin sa kanya kung ano ang naramdaman ni Bong nang matanggap ang notice mula sa Sandiganbayan.
Sagot ng alkalde, “Sabi niya, ito yung pinakamahabang paghihintay.
“It seems short, ilang linggo lang, pero yung paghihintay na ito, mas matagal pa sa apat na taong takbo.
"Kasi, you’re anxious to find out the decision.
“We want to remain positive. We want to remain hopeful.
“Sabi nga ng mga Christian friends natin, claim it in Jesus’s name.
"So, we are claiming it that there is a positive decision on behalf of Senator Bong."
Umaasa raw ang buong pamilya Revilla na makatulong ang dasal upang umayon kay Bong ang desisyon ng korte.
“Hinimok talaga namin na magdasal lahat ang mga kababayan namin.
“Kami, as a family, we are really praying any time during the day—para madinig lang po ng mga hustisya—na sana po, ‘not guilty’ ang verdict kay Senator Bong."
Samantala, kasabay ng flagraising ceremony ay iginawad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Seal of Good Governance sa lungsod ng Bacoor.
Nagbigay-sigla ito sa programa, lalo na't ito ang ikaapat na taon na nakamit ng kanilang lungsod ang recognition mula sa DILG.
Sabi ni Mayor Lani, “I would like to thank all of our city councilors, Vice Mayor Karen Sarino, Congressman Strike Revilla, at ganun din po ang mga unit heads, department heads, at mga empleyado.
"Because hindi po natin magagawa kundi sa tulong ng bawat isa sa atin, pati na rin po sa ating mga barangay captains, barangay officials...
“Without you, our award will be nothing."

NOEL FERRER: Ang tagal nang nakabinbin ng kaso ni dating Senator Bong.
Sana, once and for all, maresolba na.
And may the decision be for the best of the Revillas and our country!
After all these, sana, we can all work together towards a graft-and-plunder-free Philippines.
Puwede kaya yun?
JERRY OLEA: Hinatulan na ng Sandiganbayan na "guilty beyond reasonable doubt" si dating First Lady Imelda Marcos ng pitong beses na paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act.
Kaugnay ito ng itinayong private foundations ni Imelda sa Switzerland para sa mga kinamal nitong pondo mula sa Pilipinas, noong nagsilbi itong cabinet official mula 1968 to 1986.
Minimum of six-year-imprisonment kada count of graft ang sentensiya kay Imelda.
May mga umapela na kesyo matanda na ito para ikulong.
Kaso, nagpa-party-party pa si Madam!
Si dating Senador Juan Ponce Enrile, naharap din sa kasong plunder noong 2014.
Ngunit pagkatapos ng isang taong pagkaditena sa Camp Crame, pinayagan si dating Senator Enrile na makapagpiyansa dahil sa health reasons.
Kaso, mukhang healthy enough si JPE para muling kumarera sa eleksyon?!
Sana, kung mahatulang ‘not guilty’ si Bong, e, laya siya agad-agad!
Di ba, Manay Lolit Solis?