JERRY OLEA: Mahigpit na ipinagbabawal ang droga sa La Union, partikular sa bayan ng San Juan na dinarayo ng mahihilig mag-surfing.

Inamin ni Provincial Tourism Officer Adamore Dagang na may mga nahuling nag-marijuana.
“Lalo na pag may mga malalaking event. May mga pinapakalat kasing mga PDEA,” sambit ni Adamore, na ang tinutukoy ay ang Philippine Drug Enforcement Agency na nakabantay sa lugar.
Nakausap namin si Adamore nitong Nobyembre 12, Lunes ng gabi, sa welcome dinner tendered by La Union Governor Francisco Emmanuel “Pacoy” Ortega at the Diego Silang Hall, La Union Capitol, San Fernando City, La Union para sa Mr. Continental International 2018.
Kahit open na ulit ang Boracay, tuloy ang ikatlong edisyon ng LaBOR Union event ng San Juan sa Mayo 1, 2019.
Akala ko kasi, nagkaroon ng LaBOR Union dahil naudlot ang LABORacay event this year nang magsara ang isla ng Boracay Abril 26 hanggang Oktubre 26 para sa six-month rehabilitation project ng gobyerno.
Nilinaw sa amin ni Adamore na ang LaBOR Union ay private event na in-organize ng resort owners, at nag-i-sponsor lang ang pamahalaan ng La Union.
Pinag-iingatan daw nila ang waste disposal at security ng surfing events sa La Union bago pa man isinara ang isla ng Boracay.
Pinapahalagahan nila nang husto ang kanilang kapaligiran at priority nila ang agri-tourism.

NOEL FERRER: Sina Miss Universe Gloria Diaz, Pinoy Big Brother Season 1 housemate JB Magsaysay, at GMA talent Stef Prescott ay ilan sa mga kilalang taga-showbiz na galing sa La Union.
Pati ang premyadong GMA broadcast journalist na si Jessica Soho ay galing din doon.
Malamang, iyan din ang gusto nila sa mahal nilang lalawigan—ang maging maunlad, payapa, at malinis ito 'lagi.
Iyan din siguro ang ipinagdasal ng naging sugo noon na si Judiel Nieva na nag-showbiz din.
Kaya, umaasa tayong tuluy-tuloy ang pag-unlad ng turismo sa probinsyang ito!
GORGY RULA: Ia-apply naman siguro ng mga tourism group ng La Union ang ginagawa ngayong guidelines sa Boracay para mapanatiling malinis ang mga resort at safe na puntahan ng mga turista.
Itong ginawa ng gobyerno sa Boracay ay magsisilbing aral na rin sa mga taga-La Union.
Pero totoo bang may ilang celebrities na pala riyan na nahulihan ng PDEA, pero tahimik lang sila at hindi na nila ibinunyag.?
Hindi na ba sila nag-comment tungkol doon sa sikat na love team?
Kung totoo man na merong nangyaring hulihan, sana, e, dumaan sila sa tamang proseso at hindi nabigyan ng special treatment porke sikat at inayos ng kilala at influential na tao.