GORGY RULA: Balak sana ni Alden Richards na pakiusapan ang bosses ng GMA-7 kung puwede ma-extend ang Victor Magtanggol.
Nadalaw namin ang Pambansang Bae sa taping ng Kapuso prime time series sa Sta. Ana, Manila, nitong Lunes ng hapon, November 12.

Paliwanag ni Alden, “Gusto ko po talagang ma-extend ang show hindi po para tumalo ng show, hindi para kumita ako, kundi para po doon sa mga tao.
“Iyong ending po kasi ng soap is November at Christmas, wala po silang work.
“Nalaman ko po kasi yung crew namin, rotation siya. In short, wala po silang trabaho sa December.
“Kaya lang po, ang dami pong factors na kinunsider.
"Yung show po kasi na darating, ready na po.
"Tapos, yung bakasyon ko po kasi sa family, hindi ko na rin po ma-move.
"Saka yun lang din po ang napaalam ko sa GMA, last year pa po actually."
Nalungkot daw si Alden para sa production staff ng Victor Magtanggol na alam niyang walang trabaho sa Kapaskuhan.
Kaya may isa-suggest sana silang isang drama special na pam-Pasko, kung saan tampok silang lahat na cast ng Victor Magtanggol pati ang kanilang production staff.
Ani Alden, “Para mai-showcase lang po ang pagiging pamilya. Kahit hindi na po related sa Victor Magtanggol, kahit same cast lang po kami."
Parang isang pamilya na raw kasi ang samahang nabuo sa set ng Kapuso telefantasya.
Maganda raw ang trato nila sa isa’t isa, at naging masaya ang bonding nila sa halos araw-araw na taping.
Saksi rin dito ang ilang co-stars ni Alden.
Iisa ang sinasabi nila na sana ay makatrabaho nila ulit si Alden.
Sabi ng leading lady ni Alden na si Janine Gutierrez, “Maalaga kasi talaga si Alden. Very sensitive siya sa mga tao, e.
"Alam niya kung parang masaya ka o hindi ka okay, ganyan.
“Talagang maasikaso siya sa lahat."
NOEL FERRER: Everything happens for a reason.
Maganda na nagmamalasakit si Alden sa mga kasamahang rank-and-file na mawawalan ng trabaho lalo na ngayong Pasko.
Pero maganda ring pagtuunan ng pansin ang learnings mula sa paggawa ng Victor Magtanggol.
Good intention is admirable, but it’s not enough to sustain a show.
Oo at malakas talaga ang katapat na ABS-CBN teleserye na FPJ’s Ang Probinsyano.
Pero bakit kinulang sa impact para ma-extend ang telefantasya ni Alden?
Only when we get to have an honest analysis and acceptance of the situation can we do something about it.
JERRY OLEA: Kung gaano kasarap panoorin ang teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano, ganun kasarap ang aming pananghalian nitong Nobyembre 13 sa Probinsyano buffet restaurant sa San Fernando City, La Union.
Waging-wagi!

Kasama namin sa masaganang pananghalian ang candidates, organizers, staff, at mga pulis na nagsilbing security ng Mr. Continental International 2018.
May painting doon na bidang-bida ang yumaong si FPJ, ang orihinal na Cardo Dalisay sa pelikulang Ang Probinsyano (1997) at Ang Pagbabalik Ng Probinsyano (1998).
At mayroon ding painting ng mukha ni Coco Martin, na siyang bida ng TV adaptation na tatlong taon nang umeere sa Dos.
Malugod na nagpalitrato roon ang Mr. Continental International candidates kasama ang limang pulis na nakabantay sa loob ng restaurant.

Iyong candidates mismo ang nag-request na makasama nila nang solo sa photo-op ang babaeng pulis, si Caroline Pacleb, na nagsabing ang team leader nila ay si PCI Fredilex Marron.
