GORGY RULA: Heto ang isa sa mga sitwasyon na mahirap sa mga kabataang hiwalay ang mga magulang.
Pagdating sa mahahalagang selebrasyon, kagaya ng Pasko at Bagong Taon, mahirap ang hatian sa oras kung kay Mama o kay Papa sila sasama.
Iyan ang isa sa nararanasan ng Kapuso actress na si Janine Gutierrez dahil matagal nang hiwalay ang mga magulang niyang sina Lotlot de Leon at Monching Gutierrez.

Pero kinaya naman daw ayusin ang schedule nilang magkakapatid kung kanino sila sasama sa darating na Pasko at Bagong Taon.
Pagkatapos ng Victor Magtanggol, aayusin na ni Janine ang bakasyon niya sa Amerika kasama ang mga kapatid at ang kanilang ama.
Kuwento ni Janine nang dinalaw namin sa set ng Victor Magtanggol sa Sta. Ana, Manila, kahapon, November 12, “Wedding muna kami.
“Mga isang linggo po yun na preparation, celebration.
"After nun, gusto yata niya mag-beach sandali for few days.”
Sa December 17 ang kasal ni Lotlot sa Lebanese fiancé nitong si Fadi El Soury.
Patuloy ni Janine, “Yung isang linggo na yun, kay Mama.
"Then, after… one week lang naman kami sa L.A. para kasama naman si Papa, mga kapatid ko.
"Yung iba, first time nilang mag-U.S. Si Papa, yung huling U.S., 1991 pa."
Sa December 22 sila aalis at sa December 29 ang balik nila ng Pilipinas dahil kailangang si Lotlot naman ang kasama ni Janine sa New Year.
“Kinuha ko yung flight na dito na kami ng [December] 31 ng hapon, para New year si Mama ulit.
“Mahirap lang talaga ang mga planuhan pag ano… hiwalay ang magulang. Pero mairaraos naman,” nakangiting pahayag ng Kapuso actress.
Kaya lagi raw sinasabi ng mama niya na kung mag-aasawa si Janine, dapat handang harapin lahat sa isang relasyon para hindi mauwi sa hiwalayan.
“Yun naman ang turo sa akin ni Mama, na huwag magmadali pagdating sa mga desisyon sa pag-ibig para pag yun na, yun na talaga,” saad ni Janine.
Tinanong namin si Janine kung maiiwan ba sa Pilipinas si Rayver Cruz at hindi sila magkakasama sa darating na Pasko. Susunod kaya ito sa Amerika?
“Tingnan po natin,” nakangiti niyang sagot sa amin.
NOEL FERRER: Ang galing, ‘no? Parehong napaka-close sa kani-kanyang pamilya sina Janine at Rayver.
In fairness kay Janine, kahit noong sila pa ni Elmo Magalona, maka-pamilya siya talaga.
Nakakasabay ko siya sa Simbang Gabi sa Ateneo kapag Kapaskuhan.
Kita mo na kahit hiwalay ang kanyang mga magulang ay napalaki siya nang maayos.
I’m sure, gagawin din niya ang lahat para may semblance ng pagbubuo at pagkamaligaya ang kanyang pamilya.
Bilib ako, at mahal ko iyang batang ‘yan!
JERRY OLEA: Pasok sa Rich People Problems ang dilemma ni Janine kung saan magpa-Pasko at magba-Bagong Taon.
E, ang karamihan ng mga Pinoy, mananatiling pangarap na jackpot ang tunay na White Christmas.
Tungkol kay Rayver, huwag na nating masyadong kulitin si Janine.
Hindi iyon makatutulong sa Regal movie na Elise, kung saan si Enchong Dee ang leading man ng Kapuso actress.