GORGY RULA: Aminado si Heart Evangelista na nahirapan siyang mag-move on mula sa dinanas niyang miscarriage noong June.
Kaya ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magdetalye tungkol dito.

“Sa lahat ng heartbreaks ko, iyon siguro ang pinakagrabe,” pag-amin ni Heart.
“Parang you questioned yourself as a woman, you questioned everything. So, it wasn’t really a joke.
“In fact, talagang na-depress ako, hindi ako lumabas ng bahay. I was very, very depressed."
Nakapanayam namin si Heart sa media launch ng LM for Kamiseta, na ginanap ngayong Martes, November 20, sa Vanilla Pastries restaurant sa Quezon City.
May 12 nang inanunsiyo ni Heart na buntis siya sa unang anak nila ni Senator Francis "Chiz" Escudero.
Kinalaunan ay nalaman niyang twins ang kanyang ipinagbubuntis.
Ngunit sa kasamaang palad, parehong hindi nabuhay ang sanggol sa sinapupunan ng Kapuso actress.
Bunsod nito, tumigil noon sa pagpinta si Heart.
At kahit noong bumalik na siya sa pagpinta, nakikita pa rin sa mga gawa niya ang lungkot na nadarama niya.
Pero ngayong limang buwan na ang nakalipas ay okay na raw siya.
Paliwanag ni Heart, “You know, I have a vanishing twin syndrome.
"So, noong namatay yung first baby… there’ll be a 60 percent chance that the baby will have a hard time pag ipinanganak siya.
"Congenitally, there might be something wrong, the doctor said."
Napagtanto raw ni Heart na ipasa-Diyos ang pagpanaw ng kanyang unborn babies.
“Si Lord na yung nagdesisyon na when the heart stopped, it was a clear sign na mahihirapan talaga yung bata.
“So I realized, that’s not my plan.
“I never questioned God.
"So, okay lang… but I really did go through that really hard time."
Pinili raw ni Heart na maging positibo matapos ang pinagdaanang matinding pagsubok na iyon.
"When something bad happens to you, you’re just very positive, hindi ka negative.
"I think God will open doors for you and that’s [when], you know, sweet surprises happened in my life.
“Pambalanse lang yan ng buhay.”
Itong bagong collaboration ni Heart sa Kamiseta ang isa sa itinuturing niyang sweet surprise at excited siya rito.
Ginamit kasi ang paintings niya sa mga damit ng naturang clothing brand.
Magkakaroon ng fashion show kung saan irarampa ni Heart ang iba't ibang Kamiseta dress na ang disenyo ay sarili niyang paintings.
Gaganapin ang fashion show bukas, November 21, sa Manila House Private Members Club, sa Bonifacio Global City, Taguig City.
NOEL FERRER: At least, pro-active si Heart Evangelista at bumalik na sa pagpipinta bilang outlet ng kanyang saloobin.
Aside from painting sa bags, alam kong gumawa rin siya ng artwork para sa libro ng kaibigan naming si AA Patawaran.
Ngayon, sa damit naman!
Dati pa akong bilib kay Heart.
Dahil sa kanyang pinagdaanan, siguradong mas lalalim pa ang hugot niya para sa kanyang artistry.
JERRY OLEA: Kung ano ang ipinagkaloob ng Panginoon, tanggapin natin.
May dahilan ang lahat, na sa tamang panahon ay ganap nating mauunawaan.
Amen.