GORGY RULA: Narinig kong pinag-uusapan ng police beat reporters ang pagdalaw ni Coco Martin sa Camp Crame nitong November 21, Miyerkules.
Pakiwari nila, talagang nabahala ang mga taga-FPJ’s Ang Probinsyano sa banta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na iatras ang suporta ng mga ito sa Kapamilya prime-time series.
Naibalita ring balak ng DILG na magsampa ng reklamo laban sa mga taong involved sa Ang Probinsyano, dahil sa umano'y mali-maling pagsusuot ng uniform at paglalahad ng kuwentong nasasangkot sa katiwalian ang ilang kapulisan.
Kaya nakipagpulong si Coco sa mga opisyal ng PNP at DILG.
Walang anumang lumabas na detalye kung ano ang napag-usapan ng magkabilang-kampo.
Pero sinasabing bukod kay Coco, meron pa siyang ibang kasama na humarap sa mga taga-PNP at kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya.
Hindi na binanggit kung sino ang iba pang naroon.
Sa darating na Lunes, November 26, makikipagkita raw uli si Coco sa PNP at makakaharap na nito si PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
Nasa Dubai pa kasi ngayon si General Albayalde na dumalo sa conference ng INTERPOL o International Law Enforcement Intellectual Property Crime.
Umaasa silang tuluyang maaayos ang gusot na ito dahil sa personal na paglapit ni Coco sa mga taga-PNP at DILG.
NOEL FERRER: "All's well that ends well."
Iyan ang nakita kong post kahapon pagkatapos ng meeting ni Coco Martin, kasama ang ilan sa creative at production staff ng FPJ's Ang Probinsyano at pati na ang representatives ng PNP at DILG.
Nakunan din ng litrato si Coco kasama si DILG Secretary Eduardo Año, as seen below:
Balik-taping sila bukas at may trade show ulit.
Ibig sabihin, palakas nang palakas ang suporta ng network sa pinagbibidahang teleserye ni Coco.
At least, magandang labanan sa TV ang ating nasasaksihan—mapa-FPJ's Ang Probinsyano ng ABS-CBN o teleserye nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na Cain at Abel ng GMA.
Walang puwedeng kumampante sa magkatapat na mga programa.
Kitang-kita kasi kung bumabagal ang takbo ng istorya at kung tinitipid o fake blastings ang nagaganap.
Matira ang matibay, di ba?
Ang panalo ay tayo, ang viewers!
JERRY OLEA: Wagi pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano nitong Nobyembre 20, Martes, sa National TV Ratings (urban + rural homes) ng Kantar Media.
Ayon sa nasabing survey service, naka-42.8% ang teleserye ni Coco Martin sa ikalawang gabi ng pakikipagbakbakan nito sa Cain at Abel, na nagtala ng 16.7%.
Ito pa ring FPJ’s Ang Probinsyano ang pinakamalakas na programa ng Kapamilya Network at bukod-tanging umaabot sa mahigit 40% ang rating.
Sa hanay ng Kapuso Network ay pang-apat ang teleserye nina Dennis at Dingdong.
Mas mataas ang rating dito ng iba pang Kapuso programs: 24 Oras (20.1%), Wowowin (17.3%), at Onanay (17.1%).