NOEL FERRER: Nakalulungkot dahil kahit pagsamahin ang kinita nila, hindi aabot ng kalahating milyon ang hinamig ng dalawang magandang pelikulang Pilipinong nagbukas kahapon (Nobyembre 21, Miyerkules).
Kawawa ang paborito kong Hintayan ng Langit at Recipe for Love na parehong mahina sa takilya.

Bakit kaya, Tito Jerry at Tito Gorgy? Anyare?
Maaayos sila at obra ang mga ito ng magagaling na direktor!
Sayang!
GORGY RULA: Inaasahan nang lalangawin sa takilya ang dalawang pelikulang ito na parehong matino.
Sayang!
Maayos daw ang pagkalahad ni Direk Joey Reyes sa kuwento ng Recipe for Love, at lalo na ang Hintayan ng Langit na gustung-gusto natin, di ba, Sir Noel?
Sana umabot man lang ang mga ito sa weekend.
Tila hindi apektado ang Regal Films sa box-office result ng Recipe for Love.
Mas naka-focus sila sa MMFF 2018 entry nilang One Great Love nina Kim Chiu, JC de Vera, at Dennis Trillo.

JERRY OLEA: Hindi ako nagtaka na kalunus-lunos ang sinapit ng dalawang pelikula iyan na indie ang timpla.
Matagal na sa freezer ng Regal Films ang Recipe for Love.
Ang bidang lalaki na si Christian Bables, bida rin sa pagkaganda-gandang pelikula na Signal Rock—na hikahos sa takilya.
Ang leading lady niyang si Cora Waddell ay buntis na, pero hindi iyon naghatid ng suwerte.
Sa trailer ng pelikula, wala akong nadamang kilig. Recipe for Disaster ang kanilang tambalan.
Maganda ang feedback sa Hintayan ng Langit na bida sina Eddie Garcia at Gina Pareño.
Nagsadya ako sa SM Mall of Asia para panoorin ito noong first day nito. Kaso, hindi pala ito showing doon.