GORGY RULA: Kaninang umaga, November 30, tumawag si Manay Lolit Solis para ikuwento sa aking pasado alas-dos ng madaling-araw na siya nakatulog.
Kakaibang lungkot ang naramdaman niya nang dumalaw siya sa burol ng kapitbahay niyang si Marko de Guzman.

Si Marko ang 20-year old Engineering student na namatay sa isang freak accident nang bumangga ang Grab car na sinasakyan niya sa scaffoldings sa isang construction site sa Taft Avenue, Manila.
Nakatulog daw pala ang driver.
Si Marko lang ang tinamaan ng bakal ng scaffolding na tumusok sa ulo niya.
Isang buwan siyang nasa hospital, pero hindi rin naka-survive at pumanaw rin kamakailan.
“Martes yata siya namatay na nag-ungulan pa ang mga aso ko. Iyon siguro ang sign na wala na siya,” kuwento ni Manay Lolit.
Ayon sa ibang ulat, noon ngang Martes, November 27, pumanaw ang naaksidenteng Grab passenger matapos ang isang buwang pagkaka-confine sa ospital.
Nang dumalaw sa lamay si Manay Lolit kahapon, November 29 ng hapon, kausap niya ang ina ni Marko na kalmado lang at mukhang natanggap na ang nangyari sa kanyang anak na ga-graduate na sana sa Engineering sa University of Sto. Tomas.
Patuloy ni Manay Lolit: “Hiyang-hiya ako sa mga kapitbahay namin, kasi tulo lang nang tulo ang luha ko.
“Hindi ko mapigilan, basta tumutulo na lang ang luha ko. 'Tapos, pag-uwi ko, hindi ako makatulog.
“Naalala ko lagi ko nung bata pa siya, lagi ko siyang nakakasabay kasama ang mommy niya na nagsisimba. Nagmamano siya sa akin. Iyon yung iniisip ko, yung bata pa siya.
“'Tapos, tiningnan ko siya sa kabaong, ang amu-amo pa rin ng mukha, na parang walang nabago kahit iyon na ang nangyari sa kanya."
Bukod sa pumanaw ang Grab passenger ay katakut-takot na hospital bill din ang hinaharap ng ina nito.
“Tapos, one month pa siya sa hospital, umabot ng PHP3M ang hospital bill.
"Magkano lang daw ang ibinigay ng Grab?
"Kawawa naman, single mom lang ang mommy niya,” sabi pa ni Manay Lolit.
Sa pamamagitan ng Instagram post, ipinaparating ni Manay Lolit kay Senator Grace Poe na sana ay mabigyan ng hustisya itong nangyari sa kapitbahay niya sa North Fairview, Quezon City.
JERRY OLEA: How compassionate of Manay Lolit!
Sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay, hindi pa siya manhid sa trahedya.
Nawa’y gamitin nang husto ni Manay Lolit ang powers niya upang matulungan ang mga nangangailangan.
Puwede niyang maging advocacy ito—bawasan o iwaksi ang mga kapritso, at ituon ang kanyang panahon sa mga kapaki-pakinabang na gawain.
Mabuhay ka, Manay Lolit!
NOEL FERRER: Being kind and compassionate, iyan ang nagtatatak sa pakikitungo natin sa kapwa.
Sana talaga, matulungan ang pamilya at kaanak ng binatang ga-graduate na sana ng kolehiyo.
Bonifacio Day ngayon, hindi natin kailangan pa ng bantayog bilang pruweba ng pagpapakatao.
Pero puwede tayong magpakabayani sa ating sariling paraan.