JERRY OLEA: Bboom bboom!
May fan meet and greet ang Momoland sa Disyembre 3, Lunes, sa ABS-CBN Vertis North, Quezon City.
1:00 PM pa lang ay bukas na ang gate. May games at sapat ang inilaang oras para sa photo op.

"Thanksgiving po namin iyan para sa Frontrow members na K-Pop fans," sabi ni RS Francisco, ang presidente ng Frontrow International, nang ma-interbyu namin noong Nobyembre 28, Miyerkules, ng hapon sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.
"Hindi po namin siya in-open sa public. Wala po siyang ticket for sale. Para lang po talaga ito sa Frontrow members na mahilig sa Momoland.
"As we know, ang Momoland, ang gaganda ng videos nila. Ang galing nilang sumayaw. And Momoland is just the start of our K-pop fever."
Limitado rin ang members na imbitado sa Momoland event.
Natatawang sambit ni RS, "Mauubos ang oras namin kung ia-accomodate ang thousands and thousands na members.
"So, we’re limiting it to the 500 most deserving K-pop fans. Iyong mga die-hard lang talaga sa Momoland ang kasali rito."
Para hindi magtampo ang iba, may mga susunod na pasiklab para sa kanila.
"Marami pang K-Pop, at hindi lang K-pop, marami pa—both local and international," lahad ni RS.
"Kunwari, hindi ka masyadong mahilig sa K-Pop, meron naman tayong iba pa. Halimbawa, si Mayweather naman sa sports. Si Marlon Stockinger sa racing. Si Pia Wurtzbach naman sa beauty and fashion."
Inamin ni RS na kasama na sa multi-level marketing company ang kaibigan niyang si Gretchen Barretto. Aniya, may tatlo pang celebrity na ia-announce sa Enero 2019 bilang believers.
NOEL FERRER: Grabe, ang dami talagang pera at resources ng Frontrow!
Sana gumawa pa sila ng projects na manunuot ang impact sa mga tao long after it’s done!
GORGY RULA: Nakakabilib na napapapunta nila ang ganun kasikat na K-Pop all-girl group na ito.
Napapag-usapan ng ilang promoters na mahirap dalhin dito ang ganun kasikat na grupo ng South Korea.
Pagkatapos ng nangyari sa Korean actor na si Nam Joo-hyuk, na halos na-harass ng fans dito sa atin, maingat na raw ang managers sa pagdadala ng mga sikat na artista nila rito sa atin.
Inaasahang maganda ang pag-handle ng fans sa Momoland. Para maipakita naman nating behaved tayong fans.
Kaya hindi raw matuluy-tuloy ang pagpunta ng grupong BTS dito sa atin e dahil sa demands ng manager at handlers para maprotektahan ang grupong ito. Bukod pa riyan, napakamahal nila.
Magkano kaya ang inilabas na pera para lang mapasaya ang mga miyembro ng naturang kumpanya?
Sa mga susunod na buwan, may mga darating pang sikat na Korean celebrities gaya ng bida ng Love in the Moonlight na si Park Bo Gum.
Ang grupong BTS lang daw talaga ang mahirap na papuntahin dito.