JERRY OLEA: Hiwalay sa asawa ang papel ni Sunshine Dizon sa MMFF 2018 entry na Rainbow’s Sunset.

Nakatulong ba sa pagganap niya roon na sa totoong buhay ay hiwalay siya sa asawang si Timothy Tan?
Napakunot-noong sabi ni si Sunshine, “Uhm... Ewan ko. That’s part of my truth already, e. Di ba? That’s who I am already.
“Whether artista ako o hindi, part na yun ng truth ko.
“Pero iba rin naman kasi yung character-wise. Siguro, oo. Or puwede ring hindi.”
Sabay natatawang dagdag ng aktres, “Parang hindi ko naman masyadong na-feel na nakatulong siya! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Feminist na cougar yung character ni Sunshine sa movie. Boyfriend niya sa pelikula si Albie Casiño.
Nakikita ba niya ang sariling nakikipagrelasyon sa bagets?
“Ang hirap magsalita, di ba?” napapangiting pakli ni Sunshine sa presscon ng Rainbow’s Sunset nitong December 2, Sunday, sa Le Reve events place, Quezon City.
NOEL FERRER: Bull’s eye ang comment ni Sunshine na, “Gusto ko naman yung mas matanda sa akin para naman nai-stimulate naman ang utak ko.”
Hahaha!
I’m looking forward to seeing Sunshine sa parada ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at sa mismong awards night dahil may laban siya sa pagka-best supporting actress sa role niya.
This December, dapat tapos na rin ang shoot ng iFlix movie niya kasama ang tatlo pang orig na Sang’gre na sina Iza Calzado, Karylle, at Diana Zubiri.
At least, may ganitong efforts si Sunshine na gumawa ng projects maliban sa expected na teleserye.
GORGY RULA: Sa presscon ng Rainbow’s Sunset, tinanong ko si Sunshine, kung sakaling wala siyang makilalang lalaking posibleng makarelasyon niya, hindi kaya ang asawa pa rin niyang si Timothy ang makakasama niya sa sunset ng kanyang buhay?
Sagot ng Kapuso actress: “Hindi ko pa tinatanaw na balang araw… malay mo. Hindi mo naman masasabi. Pero kahit na anong mangyari, ang mga anak ko, kasama ko, katabi ko.
“I cannot decide for him. That’s his decision.
"May mga sitwasyon din na no matter how you want to work out something, but if it’s not gonna work, you also have to let go, di ba?
“Napaka-unfair din naman siguro sa akin yun...
"On his part na you try to make up, na you make something work, pero just because of some reasons na hindi na talaga kayo masaya, unfair din naman yun.
"Malay natin. Tingnan natin. Bagets pa naman ako.”
Ang pagkakaalam ko, okay sila ni Timothy, lalo na kung para sa kanilang dalawang anak.
Sinisikap nilang ipadama sa mga bata na buo pa rin ang kanilang pamilya.
Kahapon, December 2, ipinagdiwang ni Timothy ang kanyang kaarawan.
Malay natin, baka magkasama sila ni Sunshine pati ang dalawang anak nila para mag-celebrate.
Two years older si Sunshine sa mister niyang si Timothy.
Pero kung sakaling may ibang lalaking nakalaan talaga para sa kanya, iginiit ni Sunshine na type niya yung ipaparamdam sa kanya na tila isa siyang reyna sa sobrang pagmamahal nito.
Patuloy ni Sunshine: “Dahil alam mo yun, I’m in a situation wherein puwedeng, 'Bakit hindi? Kung may magmamahal sa ‘yo.'
“Pero ako, to be honest, ayoko ng bata! Ayoko! Totoo lang...
“Gusto ko, someone older.
"Gusto ko, kung mag-aasawa ako uli, someone naman na who will take care of me. Na ako naman yung baby. Gusto kong ma-feel yun."
Base sa pahayag ni Sunshine, tila napagod siya na palaging mas nag-e-effort pagdating sa pag-handle ng relasyon.
Kaya okey raw sa kanya kahit 10 years older ang lalaki sa kanya.
"Oo, totoo. Ayoko na ng kaedad ko.
“I’m 35 already. Kahit 40, 45, okey sa akin. Basta ma-feel ko na parang ako naman yung reyna, ako yung prinsesa.
“He will pamper me. He will take care of me. Iyon na ang gusto ko.
"Ayoko na yung ako ang nagdedesisyon ng lahat! Masakit sa ulo!”
Sa huli, nilinaw ni Sunshine na hindi siya bastang makikipagrelasyon kung kasal pa siya kay Timothy.
Lalo na't ipinaglaban niya noon ang pagtutol sa pambabae ng mister.
"Para bang ibinalik ko lang yung kasalanan na kasal ako 'tapos I will entertain [other men].
"Parang hindi maganda, for me, ha."
Paano kung na-in love siya ulit sa iba?
Sagot ni Sunshine, "Pag may dumating na hindi mo in-expect, e di mag-file ng annulment. Ganun lang yun."