GORGY RULA: Isa sa isyung natanong sa Senatorial Forum na ginanap sa UP Diliman at napanood sa CNN Philippines noong Linggo, December 2, ay ang pag-legalize ng marijuana bilang gamot.
Sa walong senatoriables na dumalo, nag-“Yes” sina Chel Diokno, Senator JV Ejercito, dating Senator Juan Ponce Enrile, at dating Senator Sergio Osmeña III.
Nag-"No" sina Congressman Gary Alejano, Senator Bam Aquino, General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, at dating Presidential Adviser Francis Tolentino.
Ganoon din ang sentimiyento ni dating Special Assistant to the President Bong Go nang naka-lunch namin sa Anabel’s kahapon, December 4.
Sa tingin niya, hindi pa tayo handa kung paano natin iha-handle sakaling ma-legalize ang medicinal marijuana.
“Sa ngayon, sa tingin ko, hindi pa maku-control kaya baka mapasama pa ang karamihan kung maging legal ito,” pakli ni SAP Bong Go.
Lalo pa itong napag-uusapan dahil sa sinasabing joke ni President Rodrigo Duterte na dati raw siyang gumamit ng marijuana para hindi antukin.
Kaugnay nito, hiningan ng PEP Troika ang opinyon ng lead actor ng pelikulang One Great Love na si Dennis Trillo.

Open ang Kapuso actor sa pagsuporta na dapat gawing legal sa atin ang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Sa presscon ng naturang pelikula, nagpasalamat si Dennis na natanong ng PEP Troika ito sa kanya.
Isa raw siya sa pumapabor na dapat ma-legalize na ang medicinal marijuana sa Pilipinas.
Pahayag ni Dennis, “Alam naman natin na ang cannabis ay nagiging legal na sa ibang bansa, lalo na sa U.S.
“Sa panahon na ‘to, napakalawak na ng information tungkol dito.
“Buksan niyo ang isipan niyo. I-research niyo lang sa internet.
"I-type niyo lang sa Google, makikita niyo ang mga research, hindi magsisinungaling yun.
“Gamot siya sa maraming bagay. 1930s pa na talagang ginagamit siya bilang gamot nung araw.
“Hindi ko alam kung ano ang nangyari bakit siya naging illegal.
"Pero ngayon, bumabalik na yung katotohanan na gamot talaga. Na-prove ko na yun.”
Kayo po, ano ang pananaw niyo sa isyung ito?
JERRY OLEA: Hindi pa naisusulong nang ganap ang diborsiyo sa Pilipinas.
Pakiwari ko ay mahabang balitaktakan pa ang pagdadaanan ng isyu kaugnay sa medicinal marijuana.
Hindi urgent ang pag-legalize ng MJ.
Marami pang usapin na dapat pagtuunan ng pansin bago iyan.
NOEL FERRER: Malakas ang recall at matindi ang visibility ni Bong Go dahil sa exposure niya kasama ang Presidente na personal siyang iniendorso, pero mata-translate o mako-convert ba ito sa votes?
Mukhang hinihintay pa ng taumbayan na mapatunayan ni Bong Go ang kanyang sarili and make known what he really stands for.
Ano nga ba?