JERRY OLEA: Naaliw si Dingdong Dantes sa MayWard, LoiNie, at DonKiss na nakatrabaho niya sa MMFF 2018 official entry na Fantastica.

“Personally, natuwa ako pag napapanood ko iyong tatlong love teams, kung gaano sila ka-close sa isa’t isa,” nakangiting sambit ni Dingdong sa presscon ng Fantastica nitong Disyembre 4, Martes ng gabi, sa Dolphy Theater, ABS-CBN Compound, Quezon City.
“Kasi siyempre, naalala ko noong bata ako, di ba, na sa love team din nag-umpisa.
“Nakakatuwa how they are towards each other, and how they are sa mga tao sa paligid nila. Nakakakuwentuhan namin.”

Siyempre pa, special kay Dingdong na makagawa ng pelikula kasama si Vice Ganda na pam-Pasko pa.
Lahad pa ni Dingdong, “For the longest time, e, gusto ko ring makatrabaho si Richard Gutierrez dahil matagal kaming nagsama sa GMA.
“Nagsama kami sandali, sa pelikula niya, sa Mulawin The Movie [2005]. Pero maigsi lang.
"Ito lang talaga yung pagkakataon na magsama kami, at kagandahan nun, sa isa pang comedy film with all these brilliant actors.
“So, tama nga, e. Hindi siya porke Kapuso, Kapamilya, Kapatid, basta para sa Pasko, ibibigay namin lahat para sa lahat ng audience.”
Nagpa-raffle sina Vice, Chard, at Dong ng cash prizes para sa press at bloggers na um-attend sa presscon.
P100K ang ipina-raffle ni Vice, P50K ang bigay ni Chard, samantalang P20K ang hatag ni Dong.
NOEL FERRER: I love Dingdong Dantes!
Kung tutuusin, with his box-office record this year, na nag-hit din ang kanyang movie na Sid and Aya, puwedeng gumawa siya ng solo niyang pelikula for the MMFF.
But he’s a team player at ayaw niya ng pressure sa buhay. Cool lang siya.
It’ll be nice to see how he will fare sa comedy with Vice Ganda.
With his record of winning two best actor awards sa MMFF—Segunda Mano (2011) and One More Try (2012)—wala nang kailangang patunayan si Dong sa MMFF. Kaya relaxed na lang siya!
JERRY OLEA: Takaw-pansin sa Fantastica trailer ang spoof nina Vice at Dingdong sa sofa scene ng KathNiel sa The Hows of Us.
Sabi ni Dingdong, originally ay 12 lines lang iyon. Pero nang gawin nila, umabot sa 40 lines.
“Masaya! Masayang-masaya yun,” sambit pa ng Kapuso Primetime King.
GORGY RULA: Ang isang magandang dala ng pelikulang ay lalong napagtibay ang friendship nina Dingdong at Richard.
Ang ganda ng ideya ni Vice Ganda na ang dalawang aktor ang pinush niyang leading men.
Kaya kahit may mga nagkukuwestiyon sa billing, walang nagrereklamo para wala nang nega.
Naging positibo ang lahat sa pelikulang ito.