JERRY OLEA: Back-to-back ang pagkapanalo ng Respeto—idinirek ni Treb Monteras II, pinagbidahan ni Abra—ng international award nitong Nobyembre 28.

Kapapanalo pa lang nito ng Jury Prize (Youth Days category) sa Exground Film Festival 2018 (Wiesbaden, Germany), nagkamit din ito ng Centenary Award bilang Best Debut Feature Film sa International Film Festival of India 2018 (Goa, India).
Noong Abril ay tatlong parangal ang natamo nito sa Cyprus Film Days International Festival 2018—Best Film, Best Director, at Audience Choice award.
Wagi rin ito bilang Best Youth Feature sa Carrousel International du film de Rimouski (Quebec) 2018, Silver Tiger Uncaged Award for Best Feature Film sa New York Asian Festival 2018, at Best Supporting Actor (Dido de la Paz) sa Asia Pacific Film Festival 2018.
Bale walo na ang international awards ng Respeto... at may mga lalahukan pa itong international filmfests.
“We are just starting. Mahaba pa po ang buhay ng Respeto,” sabi ni Direk Treb nang maka-chat namin sa Messenger nitong Disyembre 7, Biyernes.
“We have a lot of festivals lined up. Sa katunayan, we are part of the Luang Prabang happening right this week.
“Early next year, we are going back to Europe.”
View this post on Instagram
Teka! Kumusta na iyong Pedro Penduko movie ni James Reid na ididirek niya?
Noong Agosto pa dapat ang principal photography nito, di ba?
“About Pedro Penduko, production is still doing preparations. James is still training. Medyo may delays, but it's going to be really exciting,” sabi ni Direk Treb.
NOEL FERRER: Grabeng mga parangal ang natamo ng Respeto para sa ating bansa.
Pati ang mahal nating musical scorer nito, ang Southborder main man na si Jay Durias, ay na-inspire pa lalong gumawa ng scoring sa pelikula dahil sa magandang experience niya sa paggawa ng Respeto.
Napapanahon ang mensahe ng pelikula, na kahit paulit-ulit panoorin, ay nakakagising pa rin ng diwa natin bilang mga Pilipino!