JERRY OLEA: Naudlot ang Coke Studio Christmas Concert nitong Disyembre 7, Biyernes sa SM MoA Concert Grounds.
Libre ang naturang concert na tampok sina apl.de.ap, IV of Spades, Sam Concepcion, Kriesha Chu, Moira, Ben & Ben, Khalil Ramos, December Avenue, at Quest.

Mabilis na napuno ang venue. Andami pang gustong makapasok.
By 5:30 PM ay sarado na ang gate.
Tinatayang 15,000 ang spectators. Merong nagtutulakan, naggigitgitan, tumatalon sa barikada, at nagbabato ng mga bote.
Pangunahing priority ng organizers ang kaligtasan ng audience.
Kaya nagkasundo ang Coca-Cola, PNP, SM, Lungsod ng Pasay, at lahat ng artists na i-reschedule ang concert sa first quarter ng 2019.
Si Quest ang nagsalita sa audience kaugnay sa postponement ng libreng concert.
“Hindi po madali para sa akin bilang artist na pumunta rito para sabihin sa inyo... kasi, gusto naming pumunta, gusto naming tumugtog, gusto namin kayong pasayahin...” lahad ni Quest.
“If you, guys, wanna get mad at me, it’s OK pero humihingi po ako ng sorry in behalf of everyone, na bumubuo ng Coke Studio...
“Nangangako po kami, nangangako ang Coke—first quarter of 2019, bigger, better, for you guys, at ipinapangako ko, sobrang lupet no’n!”

GORGY RULA: Nandoon ako sa SM MOA kagabi. Sobrang dami nga ng tao na karamihan e mga kabataan.
Umalis ako doon bandang alas-diyes nang gabi, ang dami pa ring mga taong nagsisigawan.
Akala ko, nagsimula na ang concert. Pero mabuti na ring hindi tinuloy at baka lalong mapahamak mga bata. Ang mahalaga, safe at walang napahamak sa mga pumunta roon.
Pero dapat inasahan na ito ng organizers, di ba? Napaghandaan na sana nila ito lalo na’t libre yan.
Kawawa ang mga bata na naghintay nang matagal, 'tapos, wala silang napanood.
Ang bumenta roon ang mga kainan sa tabi na punung-puno ng mga tao.
NOEL FERRER: Ibang klase talaga ang following ng mga grupong ito.
Wala mang mainstream engagement ang karamihan sa kanila, mga superstar sila sa social media.
Paborito ko riyan ang Ben & Ben at excited ako sa paglalabas ng album nila next year!
Aabangan ko rin ang bagong petsa ng kanilang concert.
