JERRY OLEA: Matagal-tagal nang hindi gumagawa ng indie movie si Cherry Pie Picache.

Madalas kasi ay mother role ang ino-offer sa kanya.
“As an actor, naghahanap ka ng iba,” sambit ni Cherry Pie nang makatsika namin sa storycon ng indie movie na Burak nitong nakaraang Disyembre 8, Sabado, sa Salu restaurant, Sct. Fernandez St., Quezon City.
“So, noong nabasa ko yung script ni Eric Ramos, na-excite ako because it’s a different role.
“Yung topic, maraming beses nang nagawa, pero the way it was written, knowing that Direk Joel Lamangan will direct it, na-excite ako.
“Yung character na gagampanan ko, victim ng society. Isang probinsyana na napunta sa Maynila, expecting a better life.
“And then, got entangled sa hirap ng society. Yung lahat na, yung burak talaga—prostitution, pedophilia, drugs, EJK, corruption, lahat.”
Ang unang acting award ni Cherry Pie ay para sa GMA telesine na Melinda (1998), na si Joel Lamangan ang nagdirek.
Katambal ni Cherry Pie sa Burak si Jay Manalo.

“I’ve always admired Jay as an actor,” pahayag ni Cherry Pie.
“Sabi ko nga, kung pipili ako ng mga artistang lalaki na hinahangaan ko sa craft, top 3 ko si Jay Manalo.
“So, I’m really excited to be able to share the craft and passion with him, to work with him.”
Ang Burak ay ipoprodyus ng BG Films ni Madam Baby Go.
Nasa cast din nito sina Ana Capri, Noel Comia, Tony Mabesa at Jim Pebanco.
NOEL FERRER: Nakaka-excite itong mga ganitong project lalo pa’t magagaling na mga tao ang magkakatrabaho.
Ang tanong ko lang, ano kaya ang magiging role ni Miss Baby Go sa pelikulang Burak?
Exciting yan dahil para siyang National Artist na si Larry Alcala na hinahanap sa bawat obra niya.
What do you think, Tito Gorgy?
GORGY RULA: Sana, kumita na itong mga pelikulang ginagawa ng BG Films.
Sana, sa 2019, maging active ang ibang film production na patuloy pa ring lumalaban kahit hindi pa sila kumikita.
Sana, kumita na ang mga susunod na pelikulang gagawin ng BG Films, ang T-Rex, pati ang Octo Arts na medyo na-trauma sa sunud-sunod na flop nila.
Ang Imus Productions ay magpapaka-active na raw sa paggawa ng action films dahil nakalaya na ang dating Sen. Bong Revilla.
Sana, bumalik na rin sa film production ang GMA Films, at tuluy-tuloy pa rin sa paggawa ng pelikula ang Regal, Viva at Star Cinema.