Vanessa Ponce de Leon, kauna-unahang Mexicana na nagkamit ng Miss World title

JERRY OLEA: Wagi si Vanessa Ponce de Leon ng Mexico sa 68th edition ng Miss World 2018 pageant na ginanap nitong Disyembre 8, Sabado sa Sanya, China.

Siya ang unang Mexicana na kinoronahan bilang Miss World.

Ang first runner-up ay si Nicolene Limsnukan ng Thailand.

Pasok sa Magic 5 sina Maria Vasilevich ng Belarus, Kadijah Robinson ng Jamaica, at Quiin Abenakyo ng Uganda.

Nakasama sa Top 12 ang mga kandidata ng France, Martinique, Mauritius, Nepal, New Zealand, Panama at Scotland.

Napabilang sa Top 30 ang mga kalahok mula sa Bangladesh, Barbados, Belgium, China, Chile, Cook Islands, India, Indonesia, Japan, Malaysia, Nigeria, Northern Ireland, Russia, Singapore, South Africa, USA, Venezuela at Vietnam.

Ligwak sa Top 30 ang kinatawan ng Pilipinas na si Katarina Rodriguez.

118 lahat ang kandidata sa timpalak.

Ang nagkorona kay Vanessa ay ang previous Miss World na si Manushi Chhillar ng India.

NOEL FERRER: Ano ang nangyari sa ating kinatawan na si Katarina Rodriguez?

Bakit siya naligwak ganern agad-agad sa Top 30?

At dahil Thank You Girl siya, aasa na lang tayo kay Catriona Gray na siyang umeeksena para sa atin sa Miss Universe sa Bangkok, Thailand sa December 17!

Kapit lang sa pag-asa, mga beshie!

JERRY OLEA: Ang unang na-fast track sa quarter-finals (Top 30) ay si Miss France, na nagwagi sa Top Model Competition.

Ang “manok” nating si Katarina ay kasama sa Top 32 ng paligsahang ito.

Si Miss Japan ang nagwagi sa Talent Competition, at 2nd na pumasok sa quarter-finals.

Waley sa Top 18 si Katarina.

Sa Sports Competition ay umariba si Miss USA.

Si Katarina, hindi naramdaman dito.

Sa Multimedia Challenge ay #1 si Miss Nepal, at pasok na siya sa agad sa Top 30.

First runner-up dito si Miss Mexico, at nasa Top 10 si Miss Thailand.

Ang panlaban nating si Katarina... nganga.

Ang Top 5 sa Beauty with A Purpose ay sina Miss Nepal, Miss Indonesia, Miss New Zealand, Miss Mexico at Miss Vietnam. Umabante sila sa Top 30.

Ang project ni Katarina ay hindi kasama sa 25 na na-shortlist.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN