JERRY OLEA: Pinasaya ng tatlong Hashtags members, Jeremiah, Cesar Montano, Shalala, at iba pang mga kaibigan ni Ogie Diaz ang 344 breast cancer patients sa Christmas party ng Kasuso Foundation nitong Disyembre 10, Lunes, sa East Avenue Medical Center, QC.
Mula sa It’s Showtime ay dumiretso na sa pagtitipon sina Hashtag Zeus Collins, Hashtag CK Kieron, at Hashtag Kid Yambao.

Agad-agad silang isinalang sa programa para kumanta, sumayaw nang kumanyud-kadyot, makipagharutan sa ilang pasyeteng nag-dance showdown, at makipag-selfie-selfie.
Sumaglit lang sila roon dahil may iba pa silang commitment.
Ang Jeremiah, nagpakilig sa kanilang mga awitin, lalo na sa signature song nilang "Nanghihinayang."

Si Cesar, nag-ukulele sa pagkanta, at humahaplos sa puso ang inspirational message.
8 a.m. nagsimula ang nasabing Christmas party. 2:00-5:00 p.m. ang slot ni Ogie Diaz para pasayahin ang mga dumalo.
Kaso, sa dami ng cash prizes na ipina-raffle, pati pakikipagsaya ng sponsors, halos 7:00 PM na natapos ang kasayahan.
Past 6 p.m. na dumating ang mag-amang Niño at Alonzo Muhlach na suki ng Kasuso Foundation dahil galing pa sa school si Alonzo.

Riot ang combination nina Ogie Diaz, Shalala, at Yesu bilang hosts. Bentang-benta ang jokes at punchlines nila, lalo na yung medyo bastos at mahalay.

NOEL FERRER: Mabuhay ang mga ganitong proyekto na nagpapakita ng malasakit sa ating kapwa na nangangailangan!
Mabuhay ang Kasuso Foundation at sa pagsasakatuparan ng magandang layunin nito!
JERRY OLEA: Kabilang sa sponsors ng Kasuso Christmas party sina Vice Ganda, Erickson Raymundo, Judge Eugene Paras, Deedee Durano, Joel & Ana Fernando of Fersal Hotel, Jack Alacbay, Vance Larena, Chad Kainis, Dr. Rex Gaculais, Jeff Carpio, Wivinia Teodoro, Felix Olivares from Canada, Tin & Patrick Pascual, Direk Jojo Saguin, Lorenz Estrada, Koko Elma, Chef Boom Jota, Rei Tan, Mel Martinez, Benjo Cruz ng Lugawan Republic, Arjay Galenero, at Ems Gojit & friends from Los Angeles, California.
Maraming-maraming salamat po sa pagbabahagi ninyo ng mga biyaya sa mga nangangailangan... sa pagpapadama ng diwa ng Pasko!
Nawa’y lalo pa kayong pagpalain ng Panginoon!