GORGY RULA: Nakorner ng PEP Troika si Kiko Estrada sa Christmas party ng Regal Entertainment nitong December 13, Huwebes, sa 38 Valencia Events Place, Quezon City.
Pilit siyang pinasagot kung balik-Kapamilya na ba siya, matapos niyang dumalo sa story conference ng bagong soap sa ABS-CBN, na may tentative title na Kapalaran.

Pero hindi diretsahan ang sagot ni Kiko hinggil sa isyung network transfer.
"I just followed my manager. I don’t know what’s happening now. I’m in a float. He’s in China.
"I can’t wait for him to get back. Inaasikaso niya ang Miss World sa China,” safe na sagot ni Kiko.
Wala rin siyang sagot tungkol sa kontrata niya sa GMA-7 at GMA Artist Center, dahil ang manager lang daw niyang si Arnold Vegafria ang nakakaalam ng lahat.
Mapa-finalize daw lahat pagkatapos ng meeting nila ni Arnold sa GMA ngayong araw, December 14.
Pero nagpapasalamat siya sa lahat na nagawa sa kanya ng GMA sa loob ng apat na taong inilagi niya sa Kapuso network.
"I’m thankful sa lahat na binigay sa akin ng GMA. I don’t take anything for granted. I’m very appreciative.
“But you know, sometimes we have to move on. Sometimes, we have to do what’s best for you,” pahayag ni Kiko.
Habang kinakausap namin ang aktor, biglang sumali sa usapan ang Kapamilya actor na si Jerome Ponce, na wine-welcome si Kiko sa pagbabalik nito sa ABS-CBN.

Natatawa na lang si Kiko, at hindi na sinagot ang pangungulit namin.
Pero ayon sa ilang napagtanungan namin, baka hindi payagan si Kiko na umalis ng GMA.
Isa raw ito sa pag-uusapan sa meeting nila ngayong araw. Baka pipigilan siya at hindi i-release.
Magkakaalaman 'yan mamaya kung mananatili pa rin ba siya sa Kapuso network.
NOEL FERRER: Dati nang nag-Kapamilya si Kiko na naging Kapuso.
At yung ipina-partner sa kanya na si Devon Seron sa Regal Entertainment movie na Walwal ay isang transferee rin—dating Kapamilya na ngayon ay nasa Kapuso network.
Kung personal growth ang rason ng paglipat ni Kiko ay desisyon nila iyon ng kanyang manager.
Sana lang, hindi na ito yung lumang style ng pagpapataas ng value at nag-aambang lilipat at kinukuha ng kabilang network para makapag-leverage ng mas mataas ng presyo.
Hindi ko sinasabing si Kiko ito—pero lumang style na ito at kebs na ang mga network sa mga ganito.
JERRY OLEA: Isa si Kiko sa mga inaasahan naming lalong magniningning ang bituin next year, pag naipalabas na ang pelikulang My Stepmother’s Lover, kung saan katambal niya si Sunshine Cruz.
Pwetmalu ang pagganap doon ni Kiko, kaya malamang na mabulabog ang mga bekibelle sa kanyang kakisigan.