JERRY OLEA: Bigo na naman ang Pilipinas (Signal Rock) na makapasok sa shortlist ng contenders para sa kategoryang best foreign language film ng Academy Awards (Oscars).

Ang siyam na bansa at banyagang pelikula na na-shortlist:
Colombia, Birds of Passage
Denmark, The Guilty
Germany, Never Look Away
Japan, Shoplifters
Kazakhstan, Ayka
Lebanon, Capernaum
Mexico, Roma
Poland, Cold War
South Korea, Burning
Sa siyam na pelikulang iyan ay lima ang magiging nominado sa 91st Academy Awards, na ia-announce sa Enero 22, 2019.
Siyanga pala, ang Roma na idinirek ni Alfonso Cuaron ay napapanood na sa Netflix.

Sa limang banyagang pelikula na nominado sa 76th Golden Globes, apat ang na-shortlist sa Oscars—Capernaum, Never Look Away, Roma, at Shoplifters.
Inisnab ng Oscars ang Golden Globes nominee na Girl, drama film ng Belgium tungkol sa isang trans girl na ballerina.
NOEL FERRER: Nakakalungkot, pero inaasahan natin ang ganitong kasasapitan ng Signal Rock sa Oscars.
Hangga’t hindi nagkakaisa ang ating efforts at walang concerted effort at push mula sa pamahalaan at industriya at mamamayan na rin, malayo pa ang tsansa nating mapili sa Best Foreign Language category ng Oscars—kahit mahuhusay at premyado ang mga pelikulang ipinapadala natin.
JERRY OLEA: Sabi ni Direk Jeffrey Jeturian nang mapanood sa CCP ang Cinemalaya 2018 entry na Pan de Salawal, iyon ang klase ng pelikula na dapat ipadala natin sa Oscars.
Sang-ayon ba kayo? O wala kayong keber?
GORGY RULA: Okay naman ang Pan de Salawal, pero ewan ko lang.
Maniniwala lang ako sa pananaw na yun ni Direk Jeffrey kung may pelikula siyang naipadala sa Oscars.