GORGY RULA: Nagkaroon ng back-to-back premiere screening ang pelikulang Aurora nitong December 19, Miyerkules.
Ang unang pa-premiere showing ay ginanap sa Ayala Malls the 30th sa Pasig City, at kinagabihan ay sa Cinema 1 naman ng SM Megamall sa Mandaluyong City.

Nabanggit ni Anne na kasama niya si Erwan Heussaff na nanood sa first screening sa Ayala Malls at gustung-gusto ng asawa niya ang pelikula.
Sana raw, magustuhan din ito ng mga manonood dahil kakaibang experience na naidirek siya ni Yam Laranas, na iba ang brand of horror na ipinamalas sa Aurora.
Sinabi ni Anne na hindi raw ito yung tipong nananakot talaga.
“I felt na parang this time, he took it on a different level, na parang hindi siya yung typical na Pinoy horror film na ah, ah, e, e, na puro ganyan.
“It’s really about the experience and you use your mind,” pahayag ni Anne nang nakausap namin pagkatapos ng premiere night sa SM Megamall.
Iyon din ang tingin namin sa pelikula—hindi siya nanakot, pero kinikilabutan ka.
“How Direk kasi described it, it’s not a horror film. It’s like a drama-suspense elevated feelings.
“It was subtle, and that made all the difference.
“Hindi kasi siya over-the-top acting na, alam mo yun, na it’s very quiet na may mga nuances,” dagdag niyang pahayag.
Malaking tulong daw kay Anne yung nakapag-Dyesebel siya kaya hindi siya gaanong nahirapan sa ilang underwater scenes.
Pinagbidahan ni Anne noong 2014 ang ABS-CBN prime-time fantaserye na Mars Ravelo's Dyesebel.
Sabi pa ng actress-TV host, “Siguro, it helped na we shot in Batanes na yung feeling, yung environment, you know..."
NOEL FERRER: Grabe ang expectations dito sa obra ni Yam, kasi, mahusay siya sa aspetong technical sa pagkukuwento.
Kung horror ito, nakakatakot ba?
Kasi kung hindi, sabi ng ilang nakapanood ay baka ang Viva ang matakot.
Kaya?
JERRY OLEA: Magaling sa visuals si Direk Yam. Palaban sa technical awards ang kanyang pelikula.
Ang bidang babae na si Anne, wagi sa takilya ang huling pelikulang Sid & Aya: Not A Love Story at maging ang solo concert sa Araneta Coliseum.
High-profile din ang pinagbidahan ni Anne na BuyBust, na pasok sa quality control ng international online streaming na Netflix.
Ang leading man ni Anne na si Marco Gumabao ay kasama sa dalawang pelikula na matamlay ang resulta—Abay Babes at Para Sa Broken Hearted.
Huwag sanang isisi kay Marco sakaling makasama sa Bottom 3 ng MMFF 2018 box office itong Aurora.