NOEL FERRER: We are thankful sa suporta ninyong lahat sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 nitong opening day, December 25, Martes.
It was great na napilitan ang ibang sinehan na magdagdag ng 1:30 a.m. screening to accommodate the great demand ng audience to watch the films.

Ang walong MMFF 2018 entries ay ang Fantastica; Jack Em Popoy: The Puliscredibles; Mary, Marry Me; Aurora; One Great Love; Otlum; The Girl In The Orange Dress; at Rainbow's Sunset.
As I said, nag-iiba-iba pa ang mga ranking lalo pa’t holiday po ngayon, at inaasahang magdadagsaan pa ang viewers ng mga Filipino films sa mga sinehan.
And the good news is—hindi kasinlayo ang agwat ng Fantastica ni Vice Ganda sa Jack Em Popoy nina VicSotto-Coco Martin-Maine Mendoza kumpara sa agwat ng Gandarrapiddo: The Revenger Squad ni Vice, Ang Panday ni Coco, at Meant To Beh ni Vic noong MMFF 2017.
Sana, mas maging masigasig pa ang moviegoers na panoorin ang lahat ng mga pelikula.
Gusto kasi natin, mapanood at masuportahan ang lahat ng mga pelikulang kalahok sa festival.
At bukas, December 27, Huwebes, may added value pa para sa film entries dahil Gabi Ng Parangal na ng MMFF 2018.
We are positive na maabot natin ang PHP1B mark na hangad nating total gross ng walong entries, at sana lahat ay kumita!
JERRY OLEA: Pinanood ko ang Fantastica, na graded B, at Jack Em Popoy, na graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB) nitong opening day sa Powerplant Mall, Rockwell Center, Makati City.
Gaya ng inaasahan, ang dalawang pelikula ang magkaagaw sa pagiging topgrosser.
Natuwa ako sa parehong pelikula. Tawang-tawa ako sa eksenang naiihi si Aling Fec (Jaclyn Jose), pero pinipigilan niya dahil kinakantahan siya ng anak na si Belat (Vice Ganda).
Aliw na aliw ako sa spoof nina Belat, Dong Nam (Dingdong Dantes), at Prince Pryce (Richard Gutierrez) sa pelikulang The Hows of Us, pati sa paggaya ni Belat kay Mader Sitang, ang kontrobersiyal na Thai Internet sensation.
Yung tatlong teen love team na sina MayWard (Maymay Entrata-Edward Barber), LoiNie (Loisa Andalio-Ronnie Alonte), at DonKiss (Donny Pangilinan-Kisses Delavin)—puwedeng tanggalin sa istorya. Pamparami lang sila.
Sa Jack Em Popoy, may mga simpleng hirit na patok na patok.
As I expected, kumurot sa puso ang kuwento rito ng mag-amang Popoy (Vic) at Em (Maine). Wagas ang drama!
Oks ang jokes at mga paaksyon. Winner ang mga pakilig!
Puwedeng kabugin ang Fantastica!
Ewan kung OK iyon sa mga taga-REVEL!
Nitong December 26, Martes, ratsada pa rin ang Fantastica at Jack Em Popoy sa Trinoma cinemas! Pinipilahan pa rin!
GORGY RULA: Inaasahan nang magbakbakan sa takilya ang Fantastica at ang Jack Em Popoy, kasi, itong dalawang pelikula ang may pinakaramaraming sinehan.
Marami talaga ang natatawa sa Fantastica, pero mas matino ang Jack Em Popoy na mas may sense ang mga patawa nila.
Posibleng mapansin ng jurors ang Jack Em Popoy, at baka makasilat pa yan sa awards. Kaya abangan natin pagkatapos ng awards night.
Ayon sa mga nasagap lang namin—at hindi pa ito official—sumusunod sa Jack Em Popoy ang Aurora at ang Otlum. Kaya lumalaban talaga sa MMFF ang horror films.
Abangan na lang natin dahil puwede pang lumaban ang Mary, Marry Me na isa sa pinakagusto kong entry.
Pati ang Rainbow’s Sunset, The Girl in the Orange Dress at ang One Great Love na kung saan nagpaka-daring si Kim Chiu.
Lumabas pa po tayo at panoorin ang iba pang mga pelikulang kalahok!
Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!