JERRY OLEA: Para sa akin, ang tatlong maglalaban-laban bilang best picture ng Metro Manila Film Fest (MMFF) 2018 ay Rainbow’s Sunset; Jack Em Popoy: The Puliscredibles; at Mary, Marry Me.
Kuwento ng pamilya at pagpapatawad ang tatlong pelikulang iyan.

Parehong nakakuha ng gradong A mula sa CEB ang Rainbow’s Sunset at Jack Em Popoy: The Puliscredibles, na parehong kasama sa cast si Tirso Cruz III.
Pinatawa at pinakilig ako ng mga bet ko para mag-Top 3 sa kategoryang best picture.
Noon ko pa nasabi na ang pinaka-bet ko for best picture, e, ang Rainbow’s Sunset.
NOEL FERRER: Fearless forecast ba ito? Nais kong linawin na personal nating opinyon ito at walang kinalaman ang pagiging kasama ko sa MMFF organizing committee sa personal favorites na ito.
Tatlo ang hihiranging best pictures.
At para sa akin, ang tatlong posibleng mahigpit na maglalaban-laban ay ang Rainbow’s Sunset ni Joel Lamangan, Jack Em Popoy: The Puliscredibles ni Mike Tuviera, at Aurora ni Yam Laranas.
Muli, walang bearing itong personal choices sa pipiliin ng jury mamaya.
Pero hayan, at least, ang PEP Troika, e, tumataya!
GORGY RULA: Natutuwa ako sa Jack Em Popoy, kasi, Pinoy na Pinoy ang kuwento nito.
Bumabalik sa akin yung mga panahon ng MMFF na magaganda ang tema ng pelikula. Iyong mga kapanahunan na bida sa MMFF movies sina Fernando Poe Jr., Dolphy, Nora Aunor, Vilma Santos, at Joseph Estrada.
Nakaka-good vibes ang kuwento at yung mga patawa na eksena, e, may konek sa kuwento. Hindi yung basta na lang isiningit para matawa ang mga manonood.
Kaya para sa akin, ang pelikula nina Vic Sotto, Coco Martin, at Maine Mendoza ang best picture ko.
Kasunod ang Rainbow’s Sunset na magagaling ang mga artistang bahagi ng pelikula, lalo na sina Gloria Romero at Eddie Garcia.
Pangatlo para sa akin ang Mary, Marry Me na maayos ang pagkalahad ng kuwento—kahit may konting butas, pero puwede pa rin.
Mukhang itong Mary, Marry Me ang surprise hit sa MMFF ngayong taon.