JERRY OLEA: Hindi epektibo ang ilang panawagan sa social media na iboykot ang pelikula ni Vice Ganda dahil bully raw ito.
Sa dalawang araw ng (Metro Manila Film Fest) MMFF 2018 ay Fantastica ang nanguna, at lumaki ang agwat nito sa Jack Em Popoy: The Puliscredibles nina Vic Sotto, Maine Mendoza, at Coco Martin.

Wala pang inire-release na box-office figures ang kinauukulan, pero ang dalawang ito lang ang magkaagaw para sa pagiging topgrosser ng December film fest.
Base sa pagtatanung-tanong ko, magkalaban sa pangatlong puwesto ang Aurora ni Anne Curtis at Mary, Marry Me nina Toni at Alex Gonzaga.
Gaya sa Fantastica at Jack Em Popoy, natuwa at natawa ako sa Mary, Marry Me ng magkapatid na Toni at Alex
Nainip at inantok ako sa Aurora, pero swak iyon sa panlasa ng millennials.
Naaburido ako na pinagsalita rito ang mga multo at ganun din sa Otlum.
Sa American box-office horror film na The Sixth Sense, wah talkies ang mga multo, di ba?!
Hindi ako natakot o nanghilakbot sa Aurora at Otlum, kaya na-miss ko tuloy ang Shake, Rattle & Roll films of yore!
NOEL FERRER: Ang tanong ngayon ay kaya bang ungusan ng Jack Em Popoy ang Fantastica sa box office in the long run?
Dahil sa magandang word-of-mouth, malay mo lang, di ba?
Tapos yung iba—'tulad ng Rainbow’s Sunset—sana naman, makahabol sa kita sa box office.
Huwag sanang masayang ang Grade A ng Rainbow’s Sunset.
GORGY RULA: Last year, may ganun ding ikinakalat sa social media na i-ban ang pelikula ni Vice Ganda.
Ang ending... Topgrosser pa rin!
Hindi kaya bahagi pa rin ito ng promo para lalong ma-curious ang mga manonood?
Maganda ang feedback sa Jack Em Popoy, pero hindi ako sure kung kaya pa nilang talunin ang Fantastica na patuloy pa ring umaariba sa takilya.
Pero mas magandang di hamak itong pelikula nina Vic Sotto, Coco Martin, at Maine Mendoza kesa sa kay Vice Ganda.
Kaya sana kung may extra budget pa, puwedeng manood ng Jack Em Popoy ang mga nakapanood ng Fantastica.
Kaya lang, huwag sana tayong mag-focus sa dalawang pelikulang naglalaban sa topgrosser.
Maayos, at nakakaaliw ang Mary, Marry Me.
Matutuwa siguro kayo at kikiligin kay Jericho Rosales kapag napanood ninyo ang The Girl in the Orange Dress.
Magugustuhan siguro ninyo ang bagong imahe ni Kim Chiu sa One Great Love, at ibang kilabot ang mararamdaman ninyo sa Aurora ni Anne Curtis.
Sana, humakot ng awards ang Rainbow’s Sunset para bumalik ang ilang sinehang nawala.
Dito natin mabibigyan ng tamang pagpupugay ang mga magagaling na beteranong artista gaya nina Eddie Garcia at Gloria Romero.