JERRY OLEA: Pare-parehong may award ang tatlong best actor nominees sa Metro Manila Film Fest (MMFF) 2018 Gabi ng Parangal nitong Disyembre 27, Huwebes, sa The Theater at Solaire, Parañaque City.
Ang winner na si Dennis Trillo (One Great Love) ay may sakit, kaya ang tumanggap ng tropeo niya ay ang manager niyang si Popoy Caritativo.

Si Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset) ay may Special Jury Prize, samantalang si Jericho Rosales (The Girl in the Orange Dress) ay kinilalang Scratch It LUCKY Male Star of the Night.
Ligwak sa best-actor race sina Vice Ganda (Fantastica), Vic Sotto at Coco Martin (Jack Em Popoy: The Puliscredibles), at Sam Milby (Mary, Marry Me).
Ang best supporting actor ay si Tony Mabesa (Rainbow’s Sunset).
"Nanalo ako, kasi, ang mga kaeksena ko, e, napakagagaling na mga artista—tulad nina Gloria Romero at Eddie Garcia. So, I cannot fail," ani Tony.
Ang dalawa pang nominado sa kategoryang ito ay sina Tirso Cruz III (Rainbow’s Sunset) at JC de Vera (One Great Love).

NOEL FERRER: Noteworthy na maganda ang batting average ng PEP TROIKA sa mga fearless forecast nito.
You know what? Ang maganda lang sa MMFF 2018, walang leakage talaga kaya lahat ng mga may entries ay ganado mag-attend at mga good sport din naman—ke manalo man o hindi!
Si Jericho Rosales—na best actor nominee para sa The Girl in the Orange Dress—ilang beses tumayo at pumalakpak nang masigabo para sa awards ng ibang movies.
Sana, ganito rin sa ibang award ceremonies—may excitement at may suportahan ang lahat.

GORGY RULA: Kung sino pa ang wala sa awards night, siya pa ang nagwaging best actor.
Si Jericho Rosales naman, kapag hindi dumadalo sa awards night ng MMFF, siya namang nagwawagi.
Nakakatuwa itong bida ng The Girl in the Orange Dress, dahil talagang tinapos niya ang seremonya ng pamamahagi ng awards at nakangiti pa rin siyang umuwi, kahit walang napanalunan ang pelikula niya.
Teka! True ba yung narinig naming merong isang juror na panay ang push sa isang aktor na bida sa isang pelikula na hindi talaga pasado sa mga kapwa juror?
Malaki yata ang itutulong nitong aktor sa mga susunod na plano niya, kaya kahit waley talaga ang akting, kinakarir daw na ipasok ito sa nominees?
Mabuti na lang, hindi niya kayang impluwensyahan ang mga kapita-pitagang hurado na may maipagmamalaki sa kani-kanyang propesyon.
Hay! Kasi kasi naman!