GORGY RULA: Ang Special Assistant to the President na si Sec. Bong Go raw ang unang kinuhang chairman of the Board of Jurors ng Metro Manila Film Festival 2018.

Tumanggi raw siya dahil hindi raw kakayanin sa schedule niya.
Kuwento ni Sec. Bong Go, natuwa siya na isinama siya sa judges dahil noon pa man ay mahilig daw siya sa Pinoy films.
Kuwento ni Sec. Go sa PEP Troika nang dumalo ito sa Christmas party ng DZRH nitong nakaraang Biyernes, December 28, “First time kong nakakahalubilo ang mga artista.
“Nakakatuwa, dati napapanood ko lang ang mga artista.
“Ngayon, nakakasama ko—sina Christopher de Leon, sina Gina Alajar, yung si Joanna Ampil.
“Actually, unang in-offer sa akin as chairperson. Pero sabi ko, very busy ako, kaya tinanggap ko as member na lang.”
Inamin ni SAP Bong Go na siya lang ang bumoto sa pelikulang Fantastica ni Vice Ganda.
“Tinatawanan nila ako, kasi may mga boto ako dun, tulad ni Vice Ganda, yung pelikula niya, tinatawanan nila ako.
“E, natutuwa ako, e.
“Magagaling yung walong pelikula.
“Kaya lang, alam nila na ako lang bumoto kay Vice Ganda dahil nahalata nila na… nag-iisa ako, e.
“Noong bumoto ako, nagtatawanan sila sa akin.
“Okay naman, it was a 12-composition naman ng jurors, kaya kahit isang boto mo, hindi naman nakaka-swing,” napapangiting kuwento sa akin ni Sec. Go.
JERRY OLEA: Ipinangampanya ni Vice Ganda si Pangulong Duterte.
Malamang na ikakampanya rin ni Vice si Bong Go.
Kaya hindi ako nagtaka na Fantastica ang bet ni Bong Go na manalo sa filmfest.
Pero hayun nga... bokya sa awards ang Fantastica.
Ang humakot ng 11 parangal ay ang pelikulang idinirek ng anti-Duterte na si Joel Lamangan.
May mga nagsasabi na basura ang Fantastica, at ang katunayan daw ay ang pagkabokya nito sa Gabi ng Parangal.
OA ang ganyang sweeping generalization.
Sa logic na ganyan, basura rin ang Otlum, The Girl in the Orange Dress, at Mary, Marry Me (na bagama’t walang award ay nominadong Best Picture).
“May pera sa basura,” sabi ng scriptwriter na si Ricky Lopez kaugnay sa MMFF 2017 entry ni Vice Ganda na Gandarrapido: The Revenger Squad, na topgrosser sa filmfest last year.
Topgrosser pa rin ang entry ni Vice sa 2018.
Binigyan ito ng gradong B ng CEB (Cinema Evaluation Board).
Kung basura ang Fantastica, bakit naka-B ito?
Sa nagtanong kung may “silent boycott” sa Fantastica, ang tugon ni Ogie Diaz (dating manager ni Vice Ganda) sa Facebook post, “Oo, 'wag ka maingay. Silent nga, di ba?”
Post ni Wilfredo Garrido sa FB kaugnay sa Fantastica noong December 25, Martes, “Tingnan nyo, yung ticket niya ‘P130, WITH POPCORN.’ Bagsak presyo na libre snack pa, hahaha, kaya ‘sold out’?Sabihin natin, Php75 ang popcorn, Php55 na lang ang ticket, mas mahal pa ang popcorn? Tuloy ang boycott.”
Paliwanag dito ng FB account na I Love SOX, PH Mindanao nitong December 28, Biyernes, “Dear sir Wilfredo... “Hindi po bagsak presyo ‘yan, ganyan po talaga presyo ng sine dito sa amin sa South Cotabato, mura na may pa-popcorn pa!
“Minsan P110.00 lang nga po ‘yan eh. Sana nagtanong-tanong po muna kayo noh? Happy New Year, lab yooo!”
NOEL FERRER: Tungkol sa rebelasyon ni SAP Bong Go, yun na yun! He said it loud and clear.