JERRY OLEA: Makabuluhan ang post ng premyadong manunulat na si Jerry B. Gracio kaugnay sa mga hanash sa MMFF.
Facebook post ni tukayo nitong Disyembre 29, Sabado nang hapon, “DISKONEKTADO talaga ang kayraming intelektuwal sa bansang ito sa itinataguyod nilang masa.
“Taun-taon na lang, namumutiktik ang kuda tungkol sa MMFF, pero walang concerted na effort na suriin ang ekonomiyang pampolitika ng pelikula at ang dahilan kung bakit patuloy na tinatangkilik ng marami ang mga pelikula ni Vice Ganda, etc etc. — sa lengguwahe na maiintindihan ng masa.
“Dahil nagtutunog-elite ang mga tagapagtaguyod ng masa, nagmumukha tuloy mapanlait ang mga suri, nagpe-perpetuate ng patuloy na paghahati sa pagitan ng mga matalino at mangmang, ng mga may alam at walang alam sa halip na punan ang guwang [gap] sa kanilang mga pagitan.
“Puwede bang pag-usapan na natin ang mas maayos na film education program, o ang art education sa kalahatan sa ating mga paaralan at komunidad?
“Aabutin pa tayo ng 50+ years ng kakukuda tungkol sa MMFF kapag hindi natin inayos ang mga programa natin sa edukasyon at pagmumulat.”
May follow-up post si tukayo bago maghating-gabi, “Buti na lang, may mga barkada ako na mapagpatol sa mga kuda ko sa MMFF.
“Eto, magpi-film education program na kami sa Valenzuela, nasusuya na siguro si King sa rants ko, tsaka buti na lang mabait ang Mayor namin.
“Well, ang Valenzuela ang tahanan ng Santiago Productions, tambay dito si FPJ, tsaka dito nag-shoot ng Minsa'y Isang Gamugamo so nire-reclaim lang ng Valenzuela ang film legacy nito.”
Siyanga pala, matutunghayan ang MMFF 2018 Gabi ng Parangal mamaya, matapos ang Gandang Gabi, Vice sa ABS-CBN.
NOEL FERRER: In fairness, dumami ang sinehan at dumami rin naman ang manonood ng MMFF 2018 Best Picture na Rainbow’s Sunset simula nang humakot ito ng awards.
Sana, mas marami pang makapanood at maka-appreciate nito—at manood pa ng ibang mas nakakaangat na pelikula at hindi yung sinasabing “basura.”
Makikita natin ang mga taong tumaya at bumili ng ticket sa mga maaayos na pelikula sa final tally... at ang mga nanatiling nag-iingay at nagngangangakngak lang.