GORGY RULA: Nakatsikahan namin ang premyadong aktres na si Elizabeth Oropesa sa radio program namin sa DZRH nitong December 31, Lunes.
Nabanggit niyang kung hindi matutuloy ang isang pelikulang gagawin niya, balak daw niyang pumunta ng Bahamas para mag-shark diving.

Itong shark diving pala ang isa sa pinagkakaabalahan ni La Oro kapag wala siyang ginagawa.
Sa edad niyang 64, nagkaroon na siya ng lisensya bilang Dive Master, kung saan maituturing siyang propesyunal sa diving at trained para sumama ng search-and-rescue operations sa ilalim ng dagat.
"Matagal ko nang ginagawa yan, ang sumali sa search and rescue, pero wala nang publicity. Hindi yan alam ng lahat,” pakli ni La Oro.
Naging abala siya noong ginagawa niya ang GMA prime-time series na Pamilya Roces, kaya matagal-tagal na siyang hindi nakakapag-dive at nakakasalamuha ang iba’t ibang klaseng pating.
Kaya itong diving with the sharks ang gusto niyang pagkaabalahan uli ngayong 2019.
"Hindi nakakatakot ang mga shark. Huwag kayong matakot sa kanila, huwag lang silang galawin," dagdag niyang pahayag.
Nakakapag-dive siya rito sa Pilipinas, pero mas nai-enjoy niyang mag-dive sa Bahamas dahil doon niya nakikita ang iba’t ibang klaseng shark.
NOEL FERRER: Ibang klase rin talaga si La Oropesa, di ba? Tuloy pa ba ang kanyang pagiging faith healer?
I wonder kung paano niya ihi-heal ang ating bansa.
JERRY OLEA: Nakausap ko si La Oropesa sa presscon ng Pista ng Pelikulang Pilipino entry na Madilim Ang Gabi, noong Agosto 2018, sa Blue Rocket Cafe, Quezon City.
Napagkuwentuhan na namin noon ang kanyang hobby bilang diver at underwater photographer.
Kinukuha kasi siyang underwater director para sa isang pelikula. Tinitiyempuhan lang na maganda ang panahon.
Hanggang sa underwater lang siya magdidirek. Wala pa sa hinagap niya na magdirek ng pelikula, lalo pa’t abala rin siya bilang visual artist, at may career pa siya bilang aktres.
Ano kamo ang kanyang wish para sa 2019?
Post ni La Oropesa sa Facebook nitong December 31, "I KNOW ‘BADUY’ pero my WISH IS SANA THERE WILL BE PEACE ON EARTH [heart, anchor, smiley emojis] SANA WAG PABAYAAN ANG KALIKASAN."