GORGY RULA: May ilang taga-immigration pala ang nakakuha ng litrato at video na nagwawala si Tony Labrusca habang kausap ang isang immigration officer.
Pero ayon sa source ng PEP Troika, pinagsabihan silang huwag nang ilabas dahil tapos na raw ang isyung ito ng Kapamilya singer-actor.

Nakausap namin ang spokesperson ng Bureau of Immigration (BI) na si Ms. Dana Krizia Sandoval, sa radio program namin sa DZRH kagabi, January 4.
Dito niya sinabing tapos na itong kaso ni Tony dahil pinayagan itong makapasok ng bansa at manatili sa loob ng 30 days.
Iyong nangyaring insidente sangkot si Tony ay hindi na raw bago sa kanila, pero sinabi rin ng BI spokesperson na pinairal nila ang 'maximum tolerance' sa pagkakatong iyon.
Ang ipinakitang asal ni Tony ay sapat na raw na dahilan para pabalikin na lang ito sa Canada.
Pero ikinunsidera raw ng kanilang tanggapan ang Filipino lineage ng aktor kaya sa huli ay pinayagan pa rin itong makapasok sa bansa.
Pahayag ni Ms. Sandoval: “May instruction naman talaga sa ating immigration officers na maximum tolerance pagdating sa mga ganung situation. Sanay naman ho kami sa mga ganyang sitwasyon.
"Ipinaliwanag naman po sa kanya nang maayos kung ano yung mga regulations natin, he wasn’t very receptive. Hindi po niya tinanggap kung ano talaga ang dapat na gagawin.
"Kinunsider na rin po kasi ang kanyang Filipino lineage.
"But usually po, kapag mga foreign national who are very disrespectful sa ating mga immigration officers, hindi po natin tinatanggap yan.
"Hindi po natin pinapapasok yan, kasi, yung effect po is parang disrespectful po sila sa bansa natin in general, dahil ang mga ito po ay mga symbols ng ating bansa.
"Kumbaga, kung sa isang opisyal na nga ng gobyerno na hindi nila nirerespeto, what more po yung mga maliliit na tao sa labas."
Kung gusto ni Tony na mag-request ng extension, mabibigyan daw ang aktor as long as sumunod ito sa batas.
Siniguro rin ni Ms. Sandoval na ang nangyaring airport incident sangkot si Tony ay hindi raw magiging batayan upang ipitin ang aktor at hindi ito bigyan ng extension sakaling humingi siya ulit ng formal request hinggil dito.
"Sabihin na lang po natin na we exercise maximum tolerance pagdating dito sa insidenteng ito.
"As long as he maintains po the good behavior in the country and follow po yung mga batas natin, mga immigration laws, wala naman pong magiging problema," saad ni Ms. Sandoval.
Dagdag niya, "Wala na po yun sa immigration, since na-clear na po siya. Kumbaga, we did our part, nagawa na po namin yung trabaho.
"Siguro po, it’s just a reminder to everyone kung ano lang po yung limits ng Balikbayan Privilege and of course yung paano ba umasal sa Immigration."

JERRY OLEA: Kinagabihan matapos ang insidente noong Janaury 3, binura na ni Tony ang tweet niya na tila masama ang loob na 30 days lang ang ipinagkaloob sa kanya ng immigration officer.
Noon ding gabing iyon ay namagitan na ang ama ni Tony na si Boom Labrusca. Nag-sorry ito para sa anak.
As of last night, January 4, nag-sorry na rin si Tony.
Iyong nag-hanash na fake news ang ganap, ewan kung magso-sorry.
May kumuda sa Instagram kaugnay sa Canadian na kasama ni Tony pag-uwi sa bansa.
Naka-private na ang Instagram account ng naturang netizen.
Pinost ng talent manager na si Chris Cahilig sa Facebook ang screenshots ng chat nila ni Tony kaugnay sa intriga.
“Napaka-frustrating how malicious netizens are. Norm na ang paniniwala sa chismis,” sabi ni Chris.
Cancelled na ba ang showbiz career ni Tony?
Only time will tell, ikanga.
NOEL FERRER: So, nag-sorry na, ganun na lang ba yun? Wala na bang consequences yun?
Parang yung magnakaw ka sa kaban ng bayan, tapos, mag-sorry ka, ok na yun?
Ano ang puwedeng matutunan dito? Paano kung ordinaryong tao lang si Tony na hindi celebrity at media personality, tatanggapin kaya nila ang sorry lang?
Just asking.