GORGY RULA: Nakausap ko ang isang kaibigan ng PEP Troika na si Rex Belarmino na dumalo sa opening ng PBA nitong Enero 13, Linggo, sa Philippine Arena.
Sabi niya, hindi gaanong napansin doon ang pagkakalat daw ng TNT Boys, na kumanta ng Philippine National Anthem at ang Invocation kung saan kinanta nila ang awiting "Sino Ako."

Ang akala raw nila, nagkadiperensiya lang sa sound system.
Ang pinag-usapan daw talaga roon ay kung paano tinalbugan ni Sharon Cuneta ang mga beauty queen na muse ng iba’t ibang basketball teams na pumarada sa PBA Opening.
“Tinalbugan ni Sharon si Pia Wurztbach! Iba pa rin talaga ang Megastar!” bulalas sa akin ni Rex.

Si Pia ang muse ng Ginebra na unang tinawag. Marami ang nagsigawan at nagpalakpakan sa paglabas ni Miss Universe 2015.
Si Sharon daw ang huling tinawag na muse ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok.
Nakakabingi raw ang sigawan sa loob ng arena, at ang dami raw nagkagulo para magpa-picture sa Megastar.
Halos lahat daw ng gustong magpa-picture kay Sharon ay pinagbigyan nito. Samantalang kay Pia raw, may humaharang kapag merong gustong magpa-picture.
Kapansin-pansin pa raw na panay ang hawak ni Shawie kay Marc Pingris, na isa sa players ng Magnolia.
Meron pa raw tinawagan si Marc na parang naka-video chat at pinabati si Sharon.
Ang duda nila, baka ang misis ni Marc na si Danica Sotto ang tinawagan nito at binati ng Megastar.
Nag-muse din ang Kapuso artist na si Kelley Day na natapilok pa nang pumarada. Mabuti na lang at nasalo ito ng guwapong player ng Columbian Dyip na si Rashwan McCarthy.
Nandoon din ang star ng Halik na si Yam Concepcion na muse ng Phoenix Pulse Fuel Masters, si Bb. Pilipinas Grand International Eva Patalinjug na muse ng Meralco Bolts, Allysa Valdez ng NLEX Road Warriors, Sam Pinto ng TNT Katropa, at Kylie Versoza ng San Miguel Beermen.
NOEL FERRER: Sa Live IG at FB feed ni Sharon Cuneta pagkatapos ng PBA Opening sa Philippine Arena, overwhelmed ang Megastar sa reception sa kanya ng mga tao.
Ultimo PBA Commissioners at mga may-ari ng teams ay bumati sa kanya at nagpa-picture.
Generally, ang naging comment ng mga tao kay Shawie ay hindi niya kailangang magpa-sexy at trying hard na magpabata para makasabay sa ibang muses.
Her charisma was enough and her styling was on point and very appropriate.
Ngayon, patuloy si Shawie sa kanyang diet at pagpapapayat para sa kanyang pelikula with Erik Matti at concert tour abroad.
JERRY OLEA: Siyempre pa, may mga mema na nam-bash nang mabalita na si Sharon ang muse ng Magnolia Hotshots.
Hello?! Hindi nagprisinta si Ate Shawie!
Endorser siya ng Pambansang Manok, kaya malugod niyang tinanggap ang paanyaya na maging muse muli sa PBA opening makalipas ang tatlong dekada.
Walang duda, ang Megastar ang pinakamaningning na bituin sa pasiklab na iyon sa PBA universe!