JERRY OLEA: Best in Evening Gown si Miss Germany Olivia Moller sa pre-pageant show ng 47th Miss Intercontinental nitong Enero 17, Huwebes nang gabi sa Okada Manila.
Ang gown ni Olivia ay idinisenyo nina Francis Deney Ruiz Sunga at Richard Gibas Tumibay.
Best Designer ng Filipiniana gown si Maricris de la Peña. Ang tumanggap ng plake ay ang kandidatang nagsuot ng kanyang Filipiniana gown, si Miss Argentina.

In fairness, ang gaganda ng mga Filipiniana gown sa fashion spectacle, huh?! Agaw-pansin si Miss Paraguay na mistulang Maranao Princess sa gown na nilikha ni Edwin Uy.
Sa Media Presentation pa lang noong Enero 10 sa Sofitel Philippine Plaza ay ang lakas na ng dating ni Miss Paraguay, pero si Miss Philippines Karen Gallman ang itinanghal na Media Favorite.
Nakuha ni Miss Paraguay ang special award na Best in Swimsuit sa unang gabi ng tatlong pre-pageant show sa Okada Manila noong Enero 16, Miyerkules.
Ngayong Enero 18, Biyernes, nag-guest ang ilang kandidata ng timpalak sa Umagang Kay Ganda (ABS-CBN) at Eat Bulaga! (GMA 7).


Ang National Costume Competition ay gaganapin bukas, Enero 19, Sabado doon pa rin sa Okada Manila.
Ang gabi ng koronasyon ay sa Enero 26, Sabado sa MoA Arena, Pasay City.
NOEL FERRER : Ang mga importanteng awards ay iyong pinili ng mga hurado—Best in Swimsuit at Best in Evening Gown.
Napagwagian iyon nina Miss Paraguay and Miss Germany.
Frontliners na sila bale sa timpalak na ito.
Paano na si Miss Philippines Karen Gallman?
GORGY RULA: May laban naman si Karen kahit mula sa sponsors ang nakukuha niyang special awards.
Ang isa sa nakakaintriga ngayon sa Miss Intercontinental ay mukhang hindi na patutuluyin sa competition ang ibang kandidata.
Totoo bang merong isang candidate na nasa interesting stage ito? Medyo nahahalata na raw sa katawan niya.
Meron din daw lagpas na sa age limit kaya iniimbestigahan pa ito.
Kaya kanina sa guesting nila sa Eat Bulaga! ay hindi na pinabanggit kung ilang kandidata ang maglalaban, dahil mukhang may pauuwiin na sa kanilang bansa.
Hintayin na lang ang announcement kung ano ang desisyon nila sa mga ganitong kaso.