JERRY OLEA: Lapastangan ang Born Beautiful, na standing room only (SRO) ang screening ng uncensored version nitong nakaraang Biyernes ng gabi, Enero 18, sa UP Film Institute, UP Diliman, Quezon City.

Ewan kung handa na ang karamihan sa Pinoy moviegoers na tunghayan ang pag-impersonate ni Trisha (Paolo Ballesteros) kay Mama Mary sa panaginip ni Barbs (Martin del Rosario).
If only for that scene, worth it panoorin ang Born Beautiful na idinirek ni Perci Intalan, at ipapalabas sa mga sinehan simula Enero 23, Miyerkules.
Nakakapanlumo kung na-bleep ang mga salitang t*m*d, ch*p* at k*nt*t sa isang pelikulang R-18.
Di bale sana kung R-16, mas madaling unawain o tanggapin kung iyon ang rating na ipinataw ng MTRCB.
Sana ma-reconsider ng MTRCB ang pasyang iyon upang maipalabas din sa SM Cinemas ang matapang at mapangahas na pelikulang ito.
Hindi pampalibog ang Born Beautiful.
Isa itong comedy. Pampatawa.
Hindi ito kababuyan. Lalong hindi ito kababawan.
Humahamon ito sa isip at damdamin ng mga manonood.
Huwag sanang lapastanganin ang alindog nito.
NOEL FERRER: Lunchtime pa lang kahapon na kainitan ng araw, may pila na sa UP Film Center.
Grabe ang anticipation para sa pelikulang ito.
Aware ako sa punchline ng eksenang ito at sa mga matatapang na salita.
Ganun ang sinasabi sa totoong buhay, di ba?
Mamaya, guest ko na finally si Martin del Rosario sa aking teleradyo program na Level Up sa DZIQ 990khz AM, 7:30-10:00 PM.
Tingnan ko kung paano niya sasagutin ang maseselang punto ukol sa pelikula.
Sana talaga, itong Born Beautiful ang born to be the first major hit of 2019 pagkatapos ng so-so performance ng Boy Tokwa: Lodi ng Gapo, Sakaling Maging Tayo, at Alpha: The Right To Kill.
JERRY OLEA: Pinaghalong Dawn Zulueta at Iza Calzado ang ganda ni Martin del Rosario sa Born Beautiful.
Siyempre, kakaibang karisma ang inihasik ni Lou Veloso bilang mama-mamahan na may-ari ng Happy Ending Funeral Homes.
Agaw-eksena si Chai Fonacier, ang pokpok na dahilan kaya si Barbs ay “hindi na virgin sa babae.”
Kilig-kiligan ang audience ng UP Film Institute sa sweet moments nina Martin at Akihiro Blanco.
Bruskung-brusko si Kiko Matos at sarap-sarapan ang kanyang romansa.
GORGY RULA: Kailangan na ring makapanood tayo ng mga ganitong pelikula.
Sana hindi na ito isinabmit sa MMFF, dahil sa tema ng pelikula at base sa pag-uusap ng mga kabadingang nakapanood sa special screening nito kagabi, hindi ito ang tipong pang-MMFF, at naeskandalo siguro ang mga nasa Screening Committee.
Sana ma-promote ito nang mabuti dahil magandang break ang pelikulang ito kay Martin.
Hindi naman siguro magsisisi si Christian Bables na hindi niya nagawa ang pelikulang ito.