JERRY OLEA: Nominadong best picture sa 91st Academy Awards o Oscars ang Black Panther.
Ito ang kauna-unahang superhero movie na na-nominate na best picture sa Academy.

Inisnab noon ang The Dark Knight sa best picture nomination, at iyon ang mitsa para dagdagan ang best picture contenders.
Wakanda!
Mabuhay si King T’Challa!
Pinakamaraming nominasyon ang Roma at The Favourite—tigsampu. Kabilang sila sa walong nominadong best picture.

Ang Roma ang unang best picture nominee ng Netflix.
Nominado rin ito sa kategoryang best foreign-language film bilang entry ng Mexico.
Sa kasaysayan ng Oscars, ito ang ika-11 best foreign-language film nominee na nominado ring best picture.
Wala pang best foreign-languange film na nagtamo ng pinakamataas na karangalan sa Oscars.
Game-changer ba ang Roma?!
Ang tatlong aktres na mga pangunahing tauhan sa The Favourite ay pawang nominado sa acting categories.
Paborito!
Maliban sa Black Panther, Roma, at The Favourite, ang lima pang nominadong best picture ay BlacKkKlansman, Bohemian Rhapsody, Green Book, A Star Is Born, at Vice.
Inisnab ang Crazy Rich Asians!
Maging ang mga aktres dito na sina Constance Wu at Michelle Yeoh ay hindi pumasa sa panlasa sa Academy members.
Nominado ang dalawang bida ng musical melodrama na A Star Is Born na sina Bradley Cooper at Lady Gaga.

Katunggali ni Bradley bilang best actor sina Rami Malek (Bohemian Rhapsody), Christian Bale (Vice), Willem Dafoe (At Eternity’s Gate), at Viggo Mortensen (Green Book).
Kalaban ni Lady Gaga bilang best actress sina Glenn Close (The Wife), Yalitza Aparicio (Roma), Olivia Colman (The Favourite), at Melissa McCarthy (Can You Ever Forgive Me?).
Nominado rin si Melissa na worst actress sa 39th Golden Raspberry Awards o Razzies para sa The Happytime Murders at Life of the Party.
NOEL FERRER: Interesting ang line up ng nominees ng Oscars ngayon.
Sana nga, matamo ng Roma ang top prize na Best Picture.
Ang tanong: mabibiyayaan kaya ng mas maraming awards, including best actor at best actress, ang A Star Is Born na tanging best theme song ("Shallow") ang napanalunan sa 76th Golden Globe Awards?
Ito na ba ang ganti ni Lady Gaga o maliligwak na naman siya ng kanyang co-nominees?
Abangan!
JERRY OLEA: Ligwak sa kategoryang best supporting actor si Timothee Chalamet, na gumanap bilang drug addict sa Beautiful Boy.
Ang mga nominadong best supporting actor ay sina Mahershala Ali (Green Book), Adam Driver (BlacKkKlansman), Sam Elliott (A Star Is Born), Richard E. Grant (Can You Ever Forgive Me?), at Sam Rockwell (Vice).
Parehong nominadong best supporting actress para sa The Favourite sina Emma Stone at Rachel Weisz.
Mahati kaya ang boto sa kanila?
Nominado rin sa kategoryang ito sina Amy Adams (Vice), Marina de Tavira (Roma), at Regina King (If Beale Street Could Talk).
Kabilang pa sa mga artistang ngangey sa 91st Oscars sina Emily Blunt (Mary Poppins Returns at A Quiet Place), Ryan Gosling (First Man), Chadwick Boseman (Black Panther), Julia Roberts (Ben Is Back), Nicole Kidman (Destroyer), Ethan Hawke (First Reformed), at Viola Davis (Widows).