GORGY RULA: Kinukumbinsi pala ni Alyssa Muhlach ang mommy niyang si Almira Muhlach para batiin na ang daddy niyang si Paul “Bong” Alvarez.
“My parents don’t talk to each other,” pag-amin ni Alyssa.

Nakatsikahan si Alyssa ng PEP Troika sa mediacon ng Bato: The Gen. Ronald Dela Rosa Story, nitong Enero 24, Huwebes ng tanghali, sa Valencia Events Place, Quezon City.
Kinumusta namin kung gaano ka-supportive ang mga magulang ng dalaga sa pagpasok niya sa showbiz.
Kuwento ni Alyssa, nakatira sila ng kapatid niya sa mommy nila at sobrang hands-on daw ito sa pag-asikaso sa kanya ngayong nag-aartista na siya.
Aminado raw si Almira na may pagka-stage mom ito, at okey lang din kay Alyssa ang ganoon.
Sa kabilang banda, patuloy pa rin daw nagkikita si Alyssa at ang kanyang amang si Bong.
Ang siste, tanging ang mga magulang niyang sina Almira at Bong ang hindi nag-uusap mula nang maghiwalay ang mga ito.

Lahad niya, “I think I was 16 or 17 years old ako nung nagkahiwalay sila, and then… wala, ganun talaga.
“I don’t wanna dwell on it kasi, I think, I have to accept the reality of life.
“Some couples are able to talk to each other; some, [do] not.
“Pero sinabi ko sa mommy ko na, 'Sana naman, someday, 'no? Paano na lang kung ikakasal ako in the future?'
"Sinabi ko naman sa kanya yun na at some point naman siguro, ‘no?"
Bukod sa Bato, kasama rin si Alyssa sa bagong teleserye ng ABS-CBN, ang Kapalaran, na pinagbibidahan nina JM de Guzman at Arci Muñoz.
Mukhang tuluy-tuloy na ang pagpasok niya sa showbiz, at parang napakabilis daw ng mga pangyayari pagkatapos niyang kumatawan para sa Pilipinas sa Reina Hispanoamericana 2018 pageant.
JERRY OLEA: “Children begin by loving their parents. After a time, they judge them. Rarely, if ever, do they forgive them.”
Bahagi iyan ng dialogue ni Lord Illingworth sa second act ng dulang A Woman Of No Importance ni Oscar Wilde (1854-1900).
Sa pagkakatanda ko ay dinayalog din iyan ni Delza Almeda (Laurice Guillen) sa pelikulang Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi (1983), na isinulat at dinirek ni Danny Zialcita.
Natutuwa ako na gusto ni Alyssa na magkausap muli ang kanyang ama at ina, at maging civil man lang ang mga ito sa isa’t isa.
NOEL FERRER: Wala akong masabi kundi good luck kay Alyssa.
Marami nang Alyssa ang dumating... pero agad-agad umalis, napalis, o napanis sa showbiz.
Sana, siya na ang Alyssa na tatatak at magtatagal.