JERRY OLEA: Magga-gown ang transgender woman na si Iyah Mina sa pagtanggap ng best actor award ng GEMS: Hiyas ng Sining sa Marso 21, Huwebes, 5 P.M., sa De La Salle Santiago Zobel School, Ayala Alabang Village, Muntinlupa City.
Best actress si Iyah sa Cinema One Originals filmfest last October para sa Mamu; and A Mother, Too.

“Ako, wala na ako sa kasarian muna!” natawang sambit ni Iyah na nakahalukipkip nang makausap ko sa party ng Mannix Carancho Prestige Corporation nitong Enero 26, Sabado ng gabi, sa Vikings-SM MoA.
“I’ll go for... yung decision nila na nakita nila sa akin sa performance. So... siguro, tanggapin na lang muna natin.
“Kasi, may mga ganung award-giving bodies talaga... na hindi talaga natatanggap.
“But then again, tatanggapin ko pa rin, bilang isang mabuting tao. Nakipag-usap sila sa akin nang maayos.”
May pasiklab ba siyang talumpati sa pagtanggap ng best actor award? Makikiusap ba siya na kung puwede, sa susunod, ilagay na siya sa kategoryang best actress?
Mahiwaga ang ngiti ni Iyah, “Ahmmm... kung ano ang lalabas sa aking puso sa araw na iyon... pero paghahandaan ko iyon!
“Magga-gown talaga ako para kakaiba. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
NOEL FERRER: Bongga! Si Alwyn Ignacio nga na best male entertainment columnist ng GEMS ay naka-gown din lagi. Wala naman sigurong kaso ito.
Ang kilalanin ka ng institusyon at academe na walang kahit anong bahid-showbiz ay isang karangalan na.
Teka, may Star of the Night ba sa Parangal ng GEMS? Abangan natin sa March 21 sa Dela Salle Zobel.
GORGY RULA: Wala akong ideya kung ano itong GEMS: Hiyas ng Sining na award-giving body.
Nalaman ko lang ito dahil awardee ang ka-Troika nating si Noel Ferrer, kaya congratulations, Sir Noel!
Hindi ko rin po kilala si Iyah Mina na, tingin ko, dapat lang na Best Actor ang ibigay sa kanyang award ng GEMS: Hiyas ng Sining, dahil malinaw na wala pa siyang tinataglay na hiyas. Lalaki pa rin siya!
Ang curious lang ako, sino kaya ang pinapasikat ng isyung ito... si Iyah o ang mga taga-GEMS?
JERRY OLEA: For the record, hindi pa operada ang sexual organ ni Iyah. May balak ba siyang ipaputol iyon?
“Ahhmm, hindi ka pa alam,” sambit ni Iyah. “I’m not closing the door, pero... mahal eh! Ha! Ha! Ha!
“Marami pa akong utang! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Kung may mga utang nga si Iyah, makakabayad na siguro siya dahil meron siyang follow-up movie.
Excited na kuwento ni Iyah, “Magsisimula na po yung ano namin ni Paolo Ballesteros sa Regal.
“Pinagsama kami, yung best actor at best actress.”
Ang magdidirek nito ay si Rod Singh, na nagdirek ng Mamu; and A Mother, Too.
Second week of February nakatakda ang first shooting day nila.
If ever, sinu-sino ang guysto niyang maka-love scene sa pelikula?
“Kahit sino po,” pa-tweetums na hirit ni Iyah.
“Iyong masasarap na lahat... mga nasa Los Bastardos, lahat na! Mga ganyan!
“At siyempre, yung kasama ko sa Mamu, si Arron Villaflor! Masarap siyang kaeksena. Mabait yung tao! Naging kaibigan ko na rin po kasi.”