JERRY OLEA: Idineklara ni Pangulong Fidel V. Ramos noong Enero 4, 1996 ang ikatlong linggo ng Enero bilang National Autism Consciousness Week.
Sa pagdiriwang nito ngayong 2019, kinondena ng Autism Society Philippines ang paglaganap ng "The Boyet Challenge" sa social media, kung saan ginagaya ng netizens ang gawi at pananalita ni Boyet (karakter ni Ken Chan) sa Kapuso series na My Special Tatay.

Bahagi ng official statement ang GMA Network nitong Pebrero 1, Biyernes, kaugnay sa isyung ito:
“We are one with the Autism Society Philippines in calling on netizens to treat people with autism with dignity and respect.
“The viral videos that have been circulating on social media tagged as ‘The Boyet Challenge’ was not initiated by the program and we join the ASP's appeal to stop sharing and creating videos ridiculing people with autism...”
Siyanga pala, noong Disyembre 18, 2007 naman idineklara ng United Nations ang Abril 2 bilang World Autism Awareness Day.
NOEL FERRER: May pelikula nang Ipagpatawad Mo (1991) nina Boyet de Leon at Vilma Santos na tumalakay na ng ganitong realidad, na noon pa ma’y may layon nang palaganapin ang awareness sa condition ng mga taong may autism.
Sana magpatuloy ito, kasabay ng magandang portrayal sa kanila sa mga panooring Pinoy at hindi yung karaniwang kumplikadong love story na kinasasangkutan lagi ng main character dahil sa dictates at stereotype na bias ng lipunan.
GORGY RULA: Sikat na kasi ang My Special Tatay at marami ang natutuwa sa seryeng ito.
Kaya mainit ito sa iba kahit wala talagang intensiyong paglaruan o pagtawanan ang mga autistic.
Pero dapat purihin si Ken Chan sa magaling na pagganap niya bilang si Boyet.
Si Gladys Reyes na may kapatid na autistic, nakikita raw niya ang kapatid niya kay Ken.
Kuhang-kuha raw ni Ken ang mannerisms ng isang autistic.