Nora Aunor, gusto pa ring makatrabaho ng lady producer sa kabila ng negative comments

JERRY OLEA: Nagulantang si Direk Ronald Carballo sa demands ni Nora Aunor para magbida sa pelikulang Jesusa na tungkol sa isang babaeng nalulong sa droga.

Pumayag si Direk Ronald sa demands ng nag-iisang Superstar, pero ganoon na lamang ang panlulumo niya na matapos itong umoo ay nag-back out.

Ang ikinawindang ni Direk Ronald ay nang magbago uli ang isip ni Ate Guy, at payag na itong gawin ang movie.

Umayaw na si Direk Ronald. Andiyan na si Sylvia Sanchez na sinalo ang role, at “perfect replacement” ito para kay Direk Ronald.

Sa kabila ng ganitong usapin, gusto pa rin ng BG Films producer na si Baby Go na kunin si Nora para sa pelikulang Sixty in the City, na magtatampok din kina Charo Santos at Coney Reyes.

Ididirek iyon ni Mel Chionglo, mula sa panulat ni Lualhati Bautista.

Baby Go and Nora Aunor
IMAGE Jerry Olea / Noel Orsal

Hindi ba natatakot si Madam Baby na kunin si Nora kahit may tsikang mahirap itong makatrabaho?

“Sabi nila, pero tingnan ko. Hindi ako nagsasalita ng ganyan, kasi hindi ko pa siya nasubukan,” sambit ni Madam Baby nang makatsikahan namin sa kanyang birthday party nitong Pebrero 3, Linggo, sa Marco Polo Ortigas.

“Subukan mo muna ang tao. Saka mo makikita kung ano ang attitude ng tao.”

NOEL FERRER: Gamit na gamit si Ate Guy sa promo ng Jesusa, na sa Summer of 2019 pa ipalalabas.

Hindi na nga siya natuloy, mayroon pa silang nasasabi against her.

That’s not how you regard a friend, kung kaibigan nga ang mga ito.

As for Sixty in the City, maganda itong materyal na ito at sana ay matuloy ito with the dream cast kasama si Ate Guy.

I suppose Direk Mel won’t do a Ronald Carballo sakaling matuloy man o hindi si Ate Guy sa project na ito.

GORGY RULA: Excited si Madam Baby at gustung-gusto nang simulan itong Sixty in the City.

Kaya medyo nagpahinga muna siya sa paggawa ng pelikula dahil inasikaso niya ang kanyang ibang negosyo.

Hinding-hindi raw niya puwedeng iwan ang showbiz dahil nangako siya sa sarili na never tatalikuran ang showbiz kahit wala pa siyang pelikulang naging blockbuster hit talaga.

Pero proud siya dahil umikot sa buong mundo ang mga pelikula niya.

“Nasa puso’t isipan ko ang showbiz. Kaya habang ako nabubuhay, never ko iwan ang showbiz.

“Meron akong gagawin na Hilakbot, Burak, at ito yung Sixty in the City.

“Sabi ko sa inyo, ma-delay man ‘yan, pero tuloy na tuloy 'yan,” pahayag ni Madam Baby Go ng BG Films.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN