NOEL FERRER: Lumuluha pa rin ang theater operators sa resulta sa box-office ng mga pelikulang Pinoy na nagbukas kahapon, February 6.
Sabi ng nakausap naming taga-sinehan, pangatlo sa ranking ang Hanggang Kailan (Xian Lim & Louise de los Reyes), at pang-apat ang Elise (Enchong Dee & Janine Gutierrez), pero malayo ang mga ito sa first two sa box office kahapon.

Number 1 ang Alita: Battle Angel, at number 2 ang The Knight of Shadows: Between Yin and Yang.
Halos sumampa raw sa P1M ang kinita ng pelikula nina Xian at Louise, habang ang pelikula nina Janine at Enchong na Elise ay wala pa sa kalahati ng kinita ng Hanggang Kailan.
Nasaan na ang mga manonood ng pelikulang Pilipino? Hindi maganda at nakakatuwa ang sunud-sunod na pagpa-flop ng mga pelikula, ah!
Hindi na rin daw masyadong kumita ang mga pelikula from last week.
Anyayare, mga ka-Troika?
JERRY OLEA: Ang Alita ay prinodyus ni James Cameron (nagdirek ng Titanic at Avatar).
Base sa trailer, bonggacious ang special effects at action scenes. Kaiga-igaya!

Ang The Knights of Shadows ay pinagbibidahan ni Jackie Chan. Fabulous din ang special effects, base sa trailer.
Nakakatawa at nakakatuwa. Kapana-panabik!
Ang mga tambalang Xian-Louise at Enchong-Jenine ay experimental. Nakakalungkot na mas kumita iyong Graded B (147 theaters) kesa sa Graded A.
Interesado ako ay sa Valentine movie nina Liza Soberano at Enrique Gil, ang Alone/Together, na ipapalabas sa Pebrero 13.
Trailer pa lang, hanep na ang mga eksena at linya. Makawasak-puso!
“Traydor ang mga alaala...”
Kahit hindi ako fan ng LizQuen, sabik na sabik na akong mapanood ang Alone/Together.
Sabi-sabi nga, masarap masaktan kung Valentine’s Day.
Lasapin natin ang kirot at sarap ng LizQuen movie!
GORGY RULA: Hinihintay ko pa ang sagot ni Roselle Monteverde dahil naintriga kami sa ipinost niya sa kanyang Facebook account tungkol sa ilang cinema raw na ayaw ipalabas ang isang pelikula.
Ang Elise nga kaya ito?
Tiningnan ko uli ang FB account niya, tinanggal na niya yata.
Ni-repost na lang niya ang mensahe ni Enchong Dee na nagpapasalamat sa lahat na nanood at sumuporta sa pelikula nila ni Janine Gutierrez.
Sabi ni Enchong, “Pinaalala sa akin ng pelikulang ito na mahal ko pala talaga ang pag-arte.”
Sana makabawi ang pelikulang ito, pati ang Hanggang Kailan, sa weekend.