Ronnie Ricketts, umaasang babalik ang sigla ng local action films

JERRY OLEA: Umaasa si Ronnie Ricketts na babalik ang sigla ng local action movies sa pamamagitan ng Exit Point, kunsaan siya ang bida, writer at director.

IMAGE Alvin Anson Facebook page

“Para itong Hunger Games, habulan nang habulan!” pahayag ni Ronnie nang makatsika namin nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 8, sa Marina restaurant, Sct. Reyes St., Quezon City.

“It’s something different. Parang hindi ka makakahinga!

“Ayokong maulit yung mga nagawa ko dati. Gusto ko, iba naman.

“Something different. Gusto ko, bata. May mga bata akong kasama.

“Hindi lang ako yung bida. Lahat sila, may mga highlight.

“Na-inspire ako sa Hunger Games.”

Isang taong binusisi ni Ronnie ang script nito.

Aniya, pang-international release ang Exit Point, kaya iyon ang napili nilang title.

Ibinalita rin ni Ronnie na nagkasundo na sila ni Robin Padilla na magsama sa isang maaksyong pelikula.

Na-offer-an na siyang lumabas sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Ang gusto niyang role, yung maaksyon talaga.

Ok rin daw sa kanya na makasali sa The General’s Daughter, kung saan kasama ang ex niyang si Maricel Soriano.

NOEL FERRER: Kapag may nag-aanunsiyo na bagong pelikulang magbubukas, may halo itong kaba lalo na sa panahong ito na hindi kalakasan ang kita ng mga Pinoy films.

Kaya good luck sa pelikulang ito ni Ronnie Ricketts.

May nabasa akong comment na habang nalulugi ang mga sinehan at ang kumikita ay mga streaming sites, may small producers ding natutuwa dahil mukha raw natitigatig ang mga may-ari ng sinehan na inaakusahan ding siyang nagpapahirap sa producers.

Sabi ng isang direktor, dahil sa mga NetFlix, IFlix, at iba pa, the filmmakers are able to escape the traditional practices ng cinemas at maging ng MTRCB.

At ang OMB ba (na dating office ni Ronnie), may jurisdiction din sa pirating ng mga streaming content? I’m really curious.

Panahon na para ituloy ang forum natin next week, mga ka-Troika!!!

JERRY OLEA: Umaatikabo ang mga eksena ng martial arts sa pelikulang Exit Point, na ipalalabas sa Pebrero 20 sa mga sinehan.

Kuwento pa ni Ronnie, “Ang gusto ko kasing gawin, yung martial arts movie, e.

“Iyong last movie ko na Fighting Chefs was a comedy movie, e. Hindi siya talaga martial arts.

“Ito, I got a cast na talagang naglalaro. And I got new faces to help me out.

“So, may bagong ingredients siya sa pelikula.

“Si Alvin [Anson], napakagaling na artista.

“Si Jackielou [Blanco], iniba ko, yung kontrabidang babae ang inilagay ko. Jackie did a good job.

“Iyong anak ni Governor ER [Ejercito], si Jerico, napakagaling. Napaka-professional.

“So, andaling turuan.

“And before we did the movie, siguro mga two weeks kaming nagre-rehearsal.

“Kasi, ako rin ang nagpa-fight director.

“Para pagdating sa set, ayoko yung tuturuan mo pang jumerk, sumuntok.

“So sila, alam na nila yung gagawin nila.”

GORGY RULA: Mukhang aware naman si Ronnie na may kahinaan talaga ngayon ang mga pelikula natin kaya ginawa raw niyang Exit Point ang title para may international appeal.

Ibebenta niya ito sa ilang Asian countries na puwede naman siguro.

Kaya effort ang actor/director sa pelikulang ito na ikinaloka ng executive producer nilang si Mariz Ricketts.

Si Mariz ang tagabantay sa budget dahil tuwing shooting, may naiisip na bago ang asawa niya kaya may additional requirements.

“Ako ang dapat mag-control, because si Ronnie doesn’t count,” pakli ni Mariz.

“He’s the type na, ‘Gusto ko ito, ito, ito...’

“Ano kasi siya e, director, writer. Istorya niya ‘to, e.

“Habang nakikitaan niya ng potential yung mga bata, lumalaki ang role, lumalaki ang requirements niya.

“Ako na lang nagsasabi sa kanya, ‘Hon, can we sit for a while, medyo a little over ka.’ ‘Ah, sorry hon,’ sabi niya.

“Another day, ganun na naman. ‘I want this, this, this...’

“Susunod ako pero pag medyo over na talaga, kasi dapat talaga merong mag-control e,” dagdag niyang kuwento sa amin.

Masaya si Mariz sa kinalabasan ng pelikula dahil nakita niyang maganda ang finished product.

“Mahirap pero nakakatuwa kasi parang lahat, excited. Lahat, nakisama.

“Walang may nagbigay ng problema sa amin. Sama-sama kami sa hirap at sa saya,” sabi pa ni Mariz.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN