JERRY: Waley si Daniel Padilla sa 3rd FDCP Film Ambassadors Night kagabi (Pebrero 10, Linggo) sa Samsung Hall ng SM Aura, BGC, Taguig City.
Ang kasama ni Kathryn Bernardo sa pagtanggap ng Camera Obscura award para sa pelikulang The Hows of Us ay sina Direk Olive Lamasan (executive ng Star Cinema) at Carmi Raymundo (scriptwriter).

“Ahhm, hindi niyo po alam kung gaano kami kasaya lahat sa ibinigay ninyong karangalan para sa pelikula namin,” lahad ni Kathryn sa acceptance speech.
“Ahhm, actually kinakabahan po ako na pumunta dito, kasi, first time kong pupunta sa ganito.
“At para ma-recognize yung pelikula namin, napakalaking bagay po sa amin, kaya maraming-marami pong salamat.
“Ito pong award na ito, ahhm, gusto po namin siyang i-share sa napakaraming tao na tumulong sa amin para mabuo ang The Hows of Us.
“Unang-una, wala po dito pero talagang nagpapasalamat po siya—si Mr. Daniel Padilla...”
Pinagkaguluhan ng mga tao si Kathryn sa lobby ng Samsung Hall nang paalis na ito. Nakasingit kami ng isang tanong — bakit wala si Daniel?
Nakangiting sagot ni Kathryn, “Kasi po, out of town siya ngayon. Hindi kakayanin para makauwi na. So, ako muna ngayon...”
NOEL FERRER: Deserving naman ng recognition ang The Hows Of Us.
No contest, ito talaga ang biggest moneymaker of all time ngayon sa local movies (hindi adjusted sa inflation).
Usap-usapan lang ng ibang netizens, sila pa ba ang bibigyan ng cash prize, e, sila na ang nagkamit ng malaking pera sa box office?
Sana raw, ibigay ng FDCP ang pera sa mas nangangailangan ng tulong nila ngayong naghihikahos ang ibang producers sa mga pelikulang sumemplang sa takilya.
GORGY RULA: Ang Guillermo Mendoza Foundation lang ang award-giving body na nagbibigay ng parangal sa naghi-hit na pelikula.
Ngayon, pati ang FDCP, nagbibigay na rin.
Ang weird din minsan isipin na pati ang naghi-hit na pelikula ay may award na.
Nakikitang mangilan-ngilan lang talaga ang mga pelikula nating kumikita nang husto.
Sana this year, marami na at simulan na sana ito ng Alone/Together nina Enrique Gil at Liza Soberano.