JERRY OLEA: Pormal na ini-announce ng Epik Studios at Viva Films ang pagbibida ni James Reid sa pelikulang Pedro Penduko: The Legend Begins noong Hunyo 14, 2018.
Agosto dapat magsisimula ang shooting nito sa direksyon ni Treb Monteras II, at Black Saturday (Abril 20, 2019) ang target playdate.

Anong petsa na? Tuloy pa ba ang project na ito?
“Si James kasi, may mga preparation na kailangang gawin,” matamang lahad ni Direk Treb nang makausap namin sa 3rd FDCP Film Ambassadors Night nitong Pebrero 10, Linggo, sa Samsung Hall, SM Aura, BGC, Taguig City.
“Medyo na-delay nang konti. But I think, it’s for the best. Mas maraming preparation. But definitely, we’re shooting Pedro Penduko this year.”
Ano na ang target playdate ng movie?
“Not this year,” mabilis na tugon ni Direk Treb. “May nakakalendaryo nang iba, e.
“For Pedro Penduko kasi, gusto namin siyang gawing tama. So, parang we’re very careful. Kasi, isa ito sa mga pinakamalaking project ng Viva.
“Si James, sobrang excited for this one.”
Si Nadine Lustre pa rin ang gaganap dito na Maria Makiling?
“Of course! Parang wala namang iba!”
NOEL FERRER: Naku, maganda sana kung i-target ng Pedro Penduko na ipalabas ito sa 45th edition ng Metro Manila Film Festival.
Oh well, choice ‘yan ng Viva.
I’m sure, after his award-winning debut film na Respeto, gagandahan talaga ni Direk Treb Monteras ang pelikulang ito para ma-dispell ang sinasabi nilang sophomore jinx.
GORGY RULA: Dapat naman talagang huwag madaliin.
Pagkatapos ng principal photography ng pelikula, matatagalan din ‘yan sa post production dahil matindi ang effects niyan.
Mas maganda kung maisasali nila ang Pedro Penduko sa Metro Manila Film Festival 2019.
Hindi pa natin sure kung tanggap na ng fans. Kung maganda ang resulta ng Ulan ni Nadine Lustre, puwedeng itodo na nila ang Pedro Penduko na solo na rin ni James.
Pero marami pang aayusin, e.
Medyo nega pa silang dalawa, at tila nakakalimutan na ng iba.
Dapat na ayusin din ang pagta-Tagalog ni James at pagmukhaing Pinoy na Pinoy para bumagay sa karakter na gagampanan.