JERRY OLEA: Nag-standing ovation para kay Eddie Garcia ang audience sa awards night ng Singkuwento 2019 indie filmfest nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 22, sa Leandro Locsin Theater ng NCCA sa Gen. Luna St., Intramuros, Manila.

Pinagkalooban ng Lifetime Achievement Award ang 89-anyos na aktor.
Pahayag ng multi-awarded actor-director, “Thank you so much for this honor.
“Rest assured that this honor will go hand in hand with the 41 or so awards in different categories and nominations that were bestowed on me in the 70 years that I’ve been in the motion picture and television business.
“Once again, thank you so much, God bless. Mabuhay tayong lahat!”
Ang katambal ni Eddie sa pelikulang Hintayan ng Langit na si Gina Pareño ay tinanghal namang Best Supporting Actress para sa Rendezvous (full-length film).
Lahad ni Gina, “Salamat po! Maraming-maraming salamat po rito... at hanggang ngayon ay nakakaarte pa ako.
“Malaking bagay po sa akin ito na binibigyan pa rin nila ng halaga ang aking paglabas.
“Salamat po rito!”
NOEL FERRER: Congratulations kina Tito Eddie at Tita Gina, pati sa kapamilya nating si Richard Quan na pagkatapos manalo ng award sa 3rd ToFarm Film Festival last year ay naulit muli ito kagabi bilang Best Actor sa pelikulang Kapayapaan Sa Gitna Ng Digmaan.
Maganda ang gesture ni Richard na inialay ang tropeyo sa discoverer niyang si Ed Pacheco at sa unang film producer na nagbigay sa kanya ng break si Tita Armida Siguion-Reyna sa pelikulang Saan Ka Man Naroroon.
At mukhang lucky charm talaga ni Richard ang kanyang ina na si Loreta na ka-date niya sa mga awards night na kinapapanalunan niya!
Congratulations!
JERRY OLEA: Tabla bilang aktres sina Celestine Caravaggio at Issabelle Lafond para sa full-length movie nilang Pur Laine.
Nasa Canada sila at isang lalaki lang ang representative ng pelikulang Pur Laine na humakot ng major awards, kabilang ang Golden Philippine Eagle Award, Best Director (Alexander Cruz), Best Cultural Film, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Production Design, Best Editing, at Best Original Theme Song.
Jury Prize ang Kapayapaan Sa Gitna Ng Digmaan (full length), na maliban sa Best Actor ay nagwagi sa mga kategoryang Audience Choice, Best Hair & Make-up, Best Original Music Score, at Best Costume Design.
Best Supporting Actor si Tonz Are para sa Rendezvous (full length).

GORGY RULA: Panlimang edisyon na itong Singkuwento International Film Festival, pero hindi ito umabot sa commercial theaters.
Sana sa susunod na taon ay maipalalabas ang entries sa mga sinehan.
Kung sa NCCA Theater pa rin, hindi makakapasok sa ilang award-giving bodies ang mga pelikulang kalahok dahil wala pang commercial run.
Ang mga ganitong pelikula kasi, mahihirapang makakuha ng booking, dahil mas pagbibigyan ang mga malalaking pelikula.
Sayang dahil limitado ang exposure ng mga pelikulang kalahok.
JERRY OLEA: SRO ang 192-seater na Leandro Locsin Theater sa dami ng nominees, presenters, media people at guests sa awards night.
Para sa kategoryang short film, Best Child Performer si Miel Espinoza para sa Kung ‘Di Man Dumating Ang Gabi.
Winner si Miel sa Cinemalaya filmfest last year para sa Pan de Salawal, remember?
Best Aactor ang bihis-babaeng si Felipe Martinez (alias Esmeralda) para sa Wa, Nan.
Tabla bilang Best Actress sina Angeli Bayani (Ang Nagliliyab Na Kasaysayan Ng Pamilya Dela Cruz) at Cataleya Surio (Paano Bihisan Ang Isang Ina?).
Best Supporting Actor si Alexis Negrite para sa Delta.
Best Supporting Actress si Lui Manansala para sa Limang Oras.
Ang festival director ay si Perry Escaño.