GORGY RULA: Mahigpit na ipinagbilin ng mga taga-Viva sa presscon ng pelikulang Ulan nitong Pebrero 23, Sabado sa The Felicidad Mansion sa Baler St., Quezon City na tungkol lang sa pelikula ang puwedeng itanong sa mga bidang sina Nadine Lustre, Carlo Aquino, at Marco Gumabao, kasama na rin ang direktor nitong si Direk Irene Villamor.

Sabi ni Direk Irene, kakaiba ang pelikulang ito na may pagka-magic realism.
Love story siya, hindi horror, pero may mga tikbalang dahil inilahad sa kuwento na paniniwala ng mga matatanda, kapag umuulan habang mainit ay merong tikbalang na ikinakasal.
Ang paniniwala rin ng mga matatanda, ang pag-iibigan ng mga tikbalang ay panghabambuhay.
Pagkatapos ng open forum ay nagpaunlak si Nadine at sinagot niya ang mga personal na isyu lalo na ang tungkol sa relasyon nila ni James Reid.
Maihahalintulad ba sa pag-iibigan ng mga tikbalang ang relasyon nina Nadine at James?
Proud si Nadine na ibinahagi sa aming tatlong taon na sila ni James at so far, cool & relaxed lang sila sa kanilang relasyon.
“Ang pinakamalaki talagang nagawa sa akin ng relationship is I learned to accept myself,” pakli ni Nadine.
“Kasi, before, ang dami ko pong insecurities, ang dami kong problema, ang dami kong stress and all.
“Noong naging kami po kasi ni James, natutunan kong mag-relax, 'tapos mag-let go lang, 'tapos enjoy life,” dagdag niyang pahayag.
Ang dami nang pinagdaanan ang relasyon nila, at marami na rin daw silang natutunan.
Kaya ngayon, wala na raw nega, walang selos, walang away, at masaya lang daw silang dalawa.
“Ang pinaka-important kasi na natunan naming dalawa is just to relax and love life.
“Parang kaming dalawa, parang walang bad vibes sa amin. Hindi rin kami prang nagbibigay ng bad vibes sa iba. Hindi kami nag-aaway, ganun.
“Ngayon kasi pag may naramdaman ako, sini-share ko agad, sinasabi ko. Pag may problema ako, sinasabi ko agad sa kanya.
“Sobrang love po namin yung state namin ngayon, ganito lang kami,” napapangiti niyang pahayag.
Sa March 13 na ang showing ng Ulan, at ayaw na ring magpa-stress ni Nadine dahil matindi ang Hollywood movie na makakatapat nila.
Pero sabi nga ni Direk Irene, kakaiba naman daw itong pelikula nila na ngayon lang daw mapapanood ang ganitong genre sa isang local film.
Kaya sabi niya, #supportlocals.
NOEL FERRER: Isa ako sa umaasang sana, kumita ang pelikulang Ulan dahil magagaling sina Carlo Aquino at Nadine Lustre bilang artista, at si Direk Irene.
Simpleng magagaling sila, kaya sana, tulungan silang mapanood ng mas maraming tao.
Sana. Sana talaga!
JERRY OLEA: Walang masama na mangarap.
Libre ang umasa at umasam, pero dapat may kaakibat itong sipag, tiyaga at pagiging realistic.
Hindi puwedeng magic-magic lang.
Huwag sanang tipirin ang promo nito.
Abangan natin kung tama ang pasya ng Viva na palitan si Xian Lim bilang pangunahing leading man ni Nadine sa nasabing pelikula.