GORGY RULA: Nagkaroon ng presscon si Arnelli Ignacio nitong Pebrero 27, Miyerkules ng hapon, sa Annabel’s Morato.
Doon niya inilahad ang mga dahilan kaya siya nag-resign sa kanyang trabaho bilang Deputy Administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Emotional siya sa kanyang mga pahayag na nakaligtaan niya ang kanyang pamilya, lalo na’t siya pala ang huling nakaalam na may prostate cancer ang kanyang ama at nasa stage 4 na ito.
Kailangan pa niyang ihingi ng tulong sa ilang ahensiya ng gobyerno ang pagpapagamot sa daddy niya dahil sa kamahalan nito.
Magkano lang naman daw ang suweldo niya sa OWWA, kaya ang gamot na nagkakahalaga ng P90,000 ay medyo mabigat na sa kanya, kaya kailangan niyang ihingi ng tulong sa gobyerno.
Kung nasa showbiz lang siya, kayang-kaya niya ang gamot dahil sa laki ng kinikita niya
Kaya gusto na raw niyang magpaka-active uli sa showbiz, at isa sa hinihiling niya ay ibalik sana ang offer na mag-guest siya sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Pinanghinayangan ni Arnell na tinanggihan niya dati ang teleseryeng ito ni Coco Martin.
“Kasi naman, di ba? Tatawag ang Probinsyano, dapat mag-taping ka na bukas, e, palipad ako nun para sa problema ng OFW.
“Di ako, tinanggihan ko, samantalang ang iba, nagkakandarapa na mag-guest dun.
“Ako, tanggi ako nang tanggi sa guesting. Sa hosting, ang laki na ng pinakawalan ko.
“Di ba, parang nasira na ang showbiz career ko niyan? Hindi naman puwede yun,” pahayag ni Arnell.
Kaya effective March 1, wala na sa OWWA si Arnell.
Tatanggap na siya ng mga trabaho sa showbiz, at sana kunin daw siya uli ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Nanawagan nga siya na kung puwedeng kunin siya uli ng teleseryeng ito ni Coco Martin.
Ang isa pang pagkakaabalahan ni Arnell pag wala na siya sa OWWA simula sa March 1 ay ang endorsement niya at suportang ibibigay sa isang party list na nagbibigay halaga sa mga Pilipino at sa mga gawang Pilipino.
Hindi siya puwedeng magbigay ng suporta sa isang party list kapag nasa gobyerno siya, kaya isa yun sa mga dahilan ng resignation niya.
NOEL FERRER: Marami pang magagawa si Arnelli, hindi lang pang-OFW kundi pati sa show business.
Marami pa ‘yan! Hihintayin ko ‘yan, at susuportahan natin ‘yan!
JERRY OLEA: Pakiwari ko ay may iba pang dahilan si Arnell kaya nag-resign siya sa OWWA.
Ang importante, balik-showbiz siya at may panahon na upang asikasuhin ang mga napakaligtaan niya noong nakapuwesto siya sa gobyerno.
Nasa puso niya ang pagtulong sa kapwa.
“Naadik” siya sa public service, to the point na naisakripisyo niya ang personal niyang buhay.
Kapag naayos na niya ang mga dapat ayusin, pasasaan ba’t babalik siya sa paglilingkod sa bayan.