NOEL FERRER: Bumisita sandali ang '80s singer-songwriter na si Odette Quesada para sa Wishcovery: The Singer and The Song Seaon 2 event kung saan siya ang nag-mentor sa isang contender mula US-Canada.
Naplano rin namin ang matagal nang nabinbing homecoming concert niya na magaganap sa Enero 2020.

Sa pag-uusap namin ni Odette, may tatlong singers kami na ipinagdarasal:
1. isang singer na may tumor sa pancreas;
2. isang singer na may Alzheimer’s, at
3. isang singer na hiwalay sa asawang nagkasakit, pero martir dahil siya pa rin ang tumutulong at nag-aasikaso rito.
Naabutan ni Odette ang kasikatan ng naturang female singers, bagama’t malayu-layo ang agwat ng kanilang mga edad.
Sobra ang paghanga niya sa mga ito, hindi lang sa pagiging singer kundi kung paano nila hinaharap ang kanilang buhay.
Of course, alam natin na si Odette ay dumaan din sa ganyang pagsubok nang mamatay ang kanyang asawang singer-songwriter din na si Bodjie Dasig.
May anak sila, si Darian, na based sa America.
GORGY RULA: Nakaka-depress ang ganyang kuwento.
Magagaling ang tatlong babaeng singers na ito, at hinahanap pa sila ng fans ng OPM.
Mabuti at hindi pa sila kinakalimutan.
Mas mabuti sana kung matukoy kung sino sila, para makarating na rin sa ilang kamag-anak nila, malalapit na kaibigan, at lalo na sa kanilang mga tagahanga.
Saka bakit next year pa ang homecoming concert ni Odette?
Hindi ba kakayanin kung isa ito sa gagawin sa pangalawang taon ng Pinoy Playlist music fest?
Sir Noel, pinaghahandaan niyo na ba ang Pinoy Playlist na naging successful noong 2018?
JERRY OLEA: Tuloy ang second edition ng Pinoy Playlist music fest sa second and third weekend of October this 2019!
Wish ko lang na mag-showdown dito sina Anna Dizon at Emma Cordero.
Bet ko rin na may full set ang Jukebox Queens na kung tawagin ni Rico J. Puno (RIP) ay Formalin Beauties—sina Imelda Papin, Eva Eugenio, at Claire de la Fuente.
Yung magagaling na singers ng ASAP Natin ‘To, hindi nakalahok last year dahil nasa abroad sila. Sana, this year ay available na sila.
Posible kayang magkaroon ng set ang magsing-irog na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli (AshMatt)?
O kaya, ang mag-inang Karla Estrada at Daniel Padilla?
Sana rin, maimbitahan ang bandang kinabibilangan ni Carrot Man na ang repertoire ay mga kantang Igorot!